MPD

2 timbog sa P2M na shabu, baril sa Malate

August 18, 2022 Jonjon Reyes 299 views

DALAWANG hinihinalang “tulak” ng droga ang naaresto ng mga tauhan ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Manila Police District (MPD) Station 9 sa inilatag na buy-bust operation at narekober ang mahigit P2 milyong halaga ng shabu at baril sa Malate Maynila, Miyerkules ng gabi.

Ang isang lalaking suspek ay 28-anyos, residente ng Tanza, Cavite, at ang umano’y kasabwat nitong 26 taong gulang na babae, dalaga, ng Zapiro Diamante St., San Andres Bukid.

Base sa ulat ni P/Lt. Col. Salvador Tangdol, station commander, bandang 10:40 ng gabi nang ikasa ang buy-bust operation sa San Andres Bukid malapit sa panulukan ng Osmeña Highway sa Malate.

Pinangunahan ni P/Lt. Josephus Melpaz ang operasyon na kung saan isa sa kanyang mga tauhan ang nagpanggap na bibili ng droga.

Nakumpiska ang isang kulay asul na sling bag at tatlong plastic sachet kabilang ang dalawang pirasong bulto na plastic na naglalaman ng shabu.

Aabot sa 373 gramo ang nakumpiskang ilegal na droga na may halagang P2,536,000, at nabawi din sa suspek ang isang holster at kalibre 38 baril, anim na bala, at ang marked money.

Ang lalaking suspek na punterya ng operasyon ay nahaharap sa kasong paglabag sa Section 5 at Section 11 Article ll ng Republic Act (RA) 9165 at paglabag sa RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act habang ang dalagang suspek ay nahaharap sa kasong paglabag sa Section 11, Article ll ng RA 9165.

AUTHOR PROFILE