Posas

2 SENIOR CITIZENS, 11-ANYOS APO KINATAY

September 13, 2023 Zaida I. Delos Reyes 337 views

Pinalayas na kalive-in huli

TATLO katao kabilang ang dalawang senior citizens ang nasawi matapos na tadtarin ng saksak ng pinalayas na live-in partner ng isa sa mga biktima nitong Martes sa Barangay Duale, Limay, Bataan.

Nakilala ang mga biktima na sina Marie Sampang, ang apo nito na si Reign Yoj Sampang, at kasama sa bahay na si Rosita Lobaton, 70-anyos.

Batay sa ulat ng Limay Police, dakong 10 ng umaga nitong Martes nang matagpuan ang bangkay ng mga biktima sa loob ng kanilang tahanan ng anak na lalaki ni Lobaton.

Arestado naman ang suspek na nakilalang si Arvin Paule Martin, 35-anyos at residente rin sa lugar.

Sinabi ni Police Major Dennis Duran, hepe ng Limay Police Station, nagalit ang suspek sa kanyang live-in partner na si Marie dahil nakipaghiwalay na ito sa kanya at pinapalayas na siya sa kanilang bahay.

Gayunman, bumalik umano ang suspek sa bahay at pinagsasaksak ang mga biktima bago tuluyang tumakas patungo sa Lubao, Pampanga.

Sa follow-up operation ng pulisya, naaresto ang suspek subalit itinanggi nito na siya ang may gawa ng karumal-dumal na krimen.

Sa kasalukuyan, patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya upang bigyang linaw ang insidente.