Default Thumbnail

Jeep bumaliktad; 1 estudyante patay, 30 sugatan

September 13, 2023 Zaida I. Delos Reyes 322 views

ISANG estudyante ang nasawi habang 30 iba pa ang nasugatan matapos na tumagilid ang jeep na sinasakyan ng mga ito sa Zamboanga del Norte.

Patuloy pang inaalam ang pagkakakilanlan ng nasawing biktima, habang isinugod naman sa pagamutan ang iba pang nasugatan na karamihan ay mga estudyante ng Malayal National High School.

Batay sa ulat ng Police Regional Office 9, naganap ang aksidente nitong Setyembre 11 sa bahagi ng highway sa Barangay Paniran, Sibuco, Zamboanga del Norte.

Lulan umano ang mga biktima ng isang pampasaherong jeep na D’Biel Trans nang aksidenteng mag-overshoot ang sasakyan, dahilan upang mawalan ng kontrol ang driver sa manibela.

Gumulong ng mabilis ang sasakyan at lumagapak patagilid sa highway.

Dahil sa lakas ng impact ng aksidente ay nagtamo ng grabeng sugat ang mga pasahero na naging sanhi ng pagkasawi ng isa sa mga ito.

Sa kasalukuyan, patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya upang bigyang linaw ang insidente.