Default Thumbnail

2 ‘Salisi’ tiklo sa Pantabangan

June 4, 2023 Steve A. Gosuico 201 views

PANTABANGAN, Nueva Ecija — Nasakote ng pulisya ang dalawang hinihinalang miyembro ng “Salisi Gang” matapos mahulihan ng mobile phone na ninakaw umano nila sa isang saleslady ng isang fashion boutique nitong Sabado dito.

Sinabi ni provincial police head Col. Richard V. Caballero na ang dalawang suspek, isang 33-anyos na babae at ang kanyang kasabwat, isang 25-anyos na lalaki, kapwa residente ng Bgy. Sto. Niňo 3rd, San Jose City ay inaresto matapos tumugon sa isang tawag mula sa Nicole Richie’s Gift Shop na nasa muninicipal commercial complex sa Bgy. East Poblacion dakong 7:35 a.m.

Lumabas sa imbestigasyon na nagpanggap umano ang dalawang suspek na mga customer ng tindahan. Ang babae ay diumano gumawa ng dibersion upang ilihis ang atensyon ng saleslady samantalang ang kasabwat niya ay sumalisi at ninakaw ang itim na Samsung Galaxy A12, na pagmamayari ng biktima.

Nakipagbuno ang biktima sa lalaking suspek na siyang dahilan upang mapigilan ang kanilang pagtakas sakay ng isang asul na Kawasaki Bajaj na motorsiklo. Sa sandaling ito, siyang pagdating naman ng mga rumespondeng pulis at kagyat silang inaresto.

Sa body search, narekober sa mga suspek ang ninakaw na mobile, kabilang ang isang homemade Cal. 45 pistol na may anim na bala.

Nakatakdang sampahan ng kasong pagnanakaw ang mga naarestong suspek.

AUTHOR PROFILE