Default Thumbnail

2 obrero pinagbabaril sa Navotas, tigok

March 31, 2023 Edd Reyes 241 views

TINADTAD ng bala ng hindi pa kilalang mga salarin ang dalawang construction worker Biyernes ng umaga sa Navotas City.

Namatay kaagad ang mga biktimang sina Marcy Reyes, 48, ng Maringal St. Brgy. Tanza 1, at Jose Paulo Vicente, 36, ng 212 B Enriquez St., Brgy. Panghulo, habang mabilis na tumakas patungo sa Masipag St. ang tatlong hindi pa kilalang salarin na pawang armado ng kalibre .45 baril.

Sa inisyal na pagsisiyasat ni Navotas police homicide investigator P/Cpl. Florencio Nalus, sakay ng pampaseherong bangka ang mga biktima at ang suspek na galing ng Badeo 6, Brgy Tangos North patungong Maringal St., sa Brgy. Tanza nang mangyari ang pamamaslang.

Pagsapit sa patutunguhang lugar sa Maringal St., nagbabayad na ang mga biktima sa sinakyang bangka dakong 10:20 ng a.m. nang bigla na lamang bumunot ng baril ang tatlong salarin at pinagbabaril ang dalawa sa iba’t-ibang bahagi ng katawan na naging sanhi ng kanilang agarang kamatayan.

Nakuha ng mga pulis sa lugar na pinangyarihan ng krimen ang 11 basyo ng kalibre .45 baril, dalawang depormadong bala ng kahalintulad na kalibre at isang transparent plastic sachet na naglalaman ng hindi pa batid na dami ng hinihinalang shabu.

Iniutos kaagad ni Navotas police chief P/Col. Allan Umipig sa mga tauhan ng Special Weapon and Tactics (SWAT), Tactical Mobile Reaction Unit (TMRU) at Sub-Station 2 ang pagtugis sa mga salarin subalit bigo na silang makilala at madakip ang mga suspek habang inaalam pa ng pulisya ang motibo sa pagpatay.

AUTHOR PROFILE