Default Thumbnail

2 lalaki kinasuhan sa journalist’s slay sa QC

September 8, 2021 Melnie Ragasa-limena 491 views

SINAMPAHAN ng kasong murder at frustrated murder ang dalawang lalaki na sinasabing bumaril at pumatay sa journalist na si Gwenn Salamida sa loob ng kaniyang pag-aaring Beauty Salon and Spa sa Quezon City, noong August 17, 2021.

Sa report ng La Loma Police Station (PS-1) ng Quezon City Police District (QCPD), bandang alas-7:00 ng gabi (September 3), nang maaresto ang mga suspek sa Sto Niño St., Brgy. Commonwealth.

Ayon kay PLt. Col. Tyrone DG Valenzona, ng PS-1, namuno sa pag-aresto sa mga suspek, agad silang nagsagawa ng follow-up operations matapos na rebyuhin ang CCTV footages sa lugar na pinangyarihan ng krimen.

Aniya, nakita sa CCTV footage na isa sa mga suspek ang sinundo ng Toyota Corolla na may plakang TSG 684 sa harap Floor Center Muñoz Branch.

Matapos ay nakunan muli sa CCTV ng Bake Shop sa Don Fabian St,. Brgy. Commonwealth ang pagdaan ng nasabing sasakyan.

At sa patuloy na pagsasagawa ng follow-up operations, ay namataan ng mga awtoridad ang sasakyan na bumabaybay sa Sto. Niño St., Brgy. Commonwealth, kaya hinarang at pinahinto ito ng mga pulis.

Nagtangka pa umanong tumakas ng mga suspek pero agad na naharangan ng alertong mga pulis ang daanan at agad na inaresto ang mga sakay ng sasakyan.

Nasamsam sa mga suspek ang revolver .38 caliber, isang granada, dalawang piraso ng bala ng M203 at isang kulay silver na Toyota Corolla na may plakang TSG 684.

Magugunitang noong August 17, bandang alas-3:35 ng hapon nang pasukin ng isa sa mga suspek ang Gott Beauty Salon and Spa sa No. 192 Kaingin Road, Barangay Apolonio Samson at binaril at napatay ang may-ari at journalist na si Gwenn Salamida habang nasugatan naman ang kinakasama niyang si Oliver Perona.