Default Thumbnail

2 Korean nat’ls timbog sa P600K shabu

January 26, 2022 Jonjon Reyes 317 views

PASOK sa kulungan ang dalawang Korean nationals na makaraang magsagawa ng buy-bust operation ang Manila Police District (MPD) at narekober ang mahigit sa kalahating milyong halaga ng hinihinalang shabu sa Mabini St., Malate, Manila, madaling araw ng Martes.

Sa isinagawang buy-bust ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng MPD Station 9, naaresto ang dalawang Koreano na nakilalang sina Je Woo Y Cho, aka Woo, 55, at Lee Jong Bum, 46, kapwa nanunuluyan sa 718 Balagtas Mansion sa Balagtas Street , Pasay City.

Batay sa ulat ni P/Lt. Col. Rodel Borbe, Station Commander ng MPD Malate Police Station 9, pasado alas 3:15 ng madaling araw nang isagawa ng buy-bust operation ang kanyang mga tauhan na pinangunahan ni P/Lt. Josephus Melpaz, hepe ng MPD SDEU.

Ayon sa pagsisiyasat ni P/Cpl.John Rupert Agustin, may hawak ng kaso, isang impormante ang nagsumbong sa ginagawang illegal na aktibidad ng dalawang Koreano sa nasabing lugar kung kaya’t isang pulis ang nagpangap na poseur buyer para matiktikan ang mga suspek.

Narekober ang 8 pirasong malalaking bulto ng shabu na nakalagay sa plastic sachet na may timbang na 100 gramo na may street value na P680,000.

Ang dalawang dayuhan ay nahaharap sa kasong paglabag sa Article ll ng Republic Act 9165 (Section 5 at 11) Dangerous Drug Act of 2002, na walang inilaang piyansa sa kanilang paglaya.

Binigyan papuri naman ni MPD Director PBGen.Leo “Paco” Francisco ang mga kapulisan ng Malate Police Station 9 dahil sa matagumpay na pagkakahuli sa mga dayuhang nagbebenta ng illegal na droga sa lungsod ng Maynila. Nina Jon-jon Reyes at C.J Aliño

AUTHOR PROFILE