Default Thumbnail

2 ‘hubad’ na riders tanggal lisencya

March 23, 2023 Jun I. Legaspi 374 views

PAGMUMULTAHIN at hindi mabibigyan ng lisensiya ng pagmamaneho sa loob ng isang taon ang dalawang motorcycle riders na naging viral sa social media matapos bumiyahe nang nakahubad sa magkahiwalay na insidente.

Ayon kay Land Transportation Office Intelligence and Investigation Division (LTO-IID) Officer-in-Charge (OIC) Renan Melitante, ihahanda na nila ang resolusyon hinggil sa ginawa nitong imbestigasyon matapos na matukoy na may batayan upang parusahan, bukod pa sa umamin ang mga nasasangkot sa kanilang naging pagkakamali.

Humarap sa pagsisiyasat ng IID ang dalawang motorcycle riders na nagmanehong nakahubad at natukoy na kapwa wala silang lisensiya ng pagmamaneho nitong Huwebes.

“Considering naman po na admitted naman ‘yung riders, admitted din po yung mga may-ari ng motorsiklo, submitted for resolution na po namin ito at agaran po doon sa mga handling investigators po natin maglalabas po kami within one week ng resolution po partikular na case na po ito,” ayon kay Melitante.

Sinabi ni Melitante na salig sa Joint Administrative Order No. 2014-01, pagmumultahin ng P3,000 at isang taong diskwalipikado na mabigyan ng driver’s license at hindi rin papayagang makapagmaneho ang mahuhuling walang lisensiya.

“On the part of IID, ita-tag po naming ang alarm in-person sa mga pangalan po nila. Prior to the issuance of a driver’s license, student driver’s license particularly, kailangan po dumaan muna s’ya sa clearance and evaluation ng IID,” dagdag pa ni Melitante.

Humarap din ang mga may-ari ng motorsiklo at dahil walang driver’s license ang dalawang rider, ibabato sa kanilang sasakyan ang lahat ng naging paglabag ng mga rider tulad Republic Act (RA) 10054 o Failure to Wear Standard Protective Motorcycle Helmet; Section XI (e) ng LTO Administrative Order No. AHS-2008-015 o Failure to Wear Flip Flops, Sandals or Slippers or Being Bare Footed While Operating Motorcycles or Scooters; at Section 27a ng RA 4136 o Improper Person to Operate a Motor Vehicle.

“‘Yung mga violation, ita-tag po natin iyon sa may-ari ng motorsiklo kumbaga po concomitant ito doon sa violation dapat ng drayber. Considering po na walang lisensiya ang drayber, ita-tag natin ito doon sa may-ari ng motorsiklo,” pahayag pa ni Melitante.

Binigyang-diin naman ni LTO Chief Jay Art Tugade na dapat ay irespeto ng lahat ang mga batas at panuntunan hinggil sa trapiko at higit sa lahat ay ang kaligtasan sa mga lansangan.

“Ang pagmamaneho nang nakahubad ay malinaw na kawalan ng respeto sa mga batas-trapiko ng bansa. Ipinapaalala lang po natin na ang pagkakaroon ng driver’s license ay isa lang pribilehiyo na mas makabubuti kung pahahalagahan at hindi aabusuhin,” diin ni Chief Tugade.

AUTHOR PROFILE