Dizon GAME OVER–Ang mga holdaper na natimbog ng mga biker patrol ng MPD sa pangunguna ni MPD Director Police Brig. General Andre Dizon. Kuha ni Jon Jon Reyes

2 holdaper huli sa Maynila

September 23, 2023 Jonjon Reyes 503 views

NAHULI ng mga biker patrol ng Manila Police District sa pangunguna ni MPD chief PBGen. Andre Dizon ang dalawang suspek sa pangho-holdap sa Maynila.

Tangay-tangay pa ng mga suspek ang mga nakulimbat mula sa kanilang biktima nang mahuli ng mga MPD police kasama ang tropa ni Police Col. Julius Añonuevo, hepe ng District Mobile Force Battalion, sa ibabaw ng tulay ng Quezon Bridge, Quiapo, Maynila, Sabado ng umaga.

Nakilala ang dalawang suspek na sina alyas “Jessie,” 18, at Alfred Manimog, 29, ng Parola Compound, Binondo.

Base sa ulat ni Police Lieutenant Colonel Brillante Billaoac, station commander ng Manila Police District-Barbosa Police Station 14, bandang 8:00 ng umaga nang holdapin ng mga suspek ang isang 40-anyos na security guard ng PITX sa ibabaw ng Quezon Bridge,Quiapo.

Ayon sa biktima, nanghingi ng barya ang mga suspek pero nang dudukot na siya doon na siya tinutukan ng patalim at sapilitang tinangay ang kanyang bag pack na naglalaman ng IPhone 6, coin purse na naglalaman ng P3,000 at Airpod.

Matapos holdapin ang biktima, nagtatakbo ang dalawa papunta sa Quinta Market.

Doon na nakasalubong ng biktima sina Dizon na nagsasagawa ng Oplan Galugad.

Nahaharap ngayon sa kasong robbery-hold-up ang dalawang suspek.

AUTHOR PROFILE