Crime

2-ANYOS PINATAY SA SAKAL NG INA

July 20, 2023 Zaida I. Delos Reyes 309 views

Kapatid nadaganan ng suspek habang dumedede, dedo

NASA state of decomposition na nang matagpuan ang bangkay ng isang dalawang taong gulang na bata na pinatay umano sa sakal ng ina na umano’y lango sa ipinagbabawal na gamot sa Bacoor City, Cavite.

Batay sa ulat ng PNP, tinatayang nasa apat na araw nang patay ang biktima na una nang iniulat na namatay sa gutom.

Sinabi ng anim na taong gulang na kapatid ng biktima na pinatay umano ito sa sakal ng kanilang ina.

Inaresto ang ina ng bata na nakilalang si Rhina Maninang, 25, residente ng Talaba 1, Evangelista Street, Bacoor City.

Ayon kay Barangay Talaba chairman Ernesto Mateo, isang kapit-bahay ng pamilya Maninang ang nagsumbong sa kanila kaugnay ng pagkasawi ng biktima na una nilang inakala na namatay sa gutom.

Nang siyasatin ang bangkay ay napag-alaman na sinakal ito ng sinasabing suspek.

Lumabas sa otopsiya na halos apat na araw nang patay ang bata at nabubulok na ang lamang loob nito.

Napag-alaman na hindi ito ang unang pagkakataon na namatayan ng anak ang ginang dahil nito lamang nakaraang taon ay namatayan siya ng anak dahil nadaganan niya ito habang pinapadede.

Kinakitaan din umano ang suspect ng sintomas ng kawalan ng katinuan dahil nagbabaliw-baliwan umano ito at minsan na rin umanong sinaktan ang kanyang ama.

Lumalabas sa imbestigasyon ng pulisya na lango sa ipinagbabawal na gamot ang ginang at asawa nito bago maganap ang insidente.

Sa kasalukuyan, ang suspect ay nasa kustodiya na ng PNP habang ang tatlong anak nito ay dinala sa pangangalaga ng Department of Social Welfare and Development upang mabigyan ng maayos na atensyon.