Default Thumbnail

P5.1M smuggled ng sigarilyo nakumpiska sa Zamboanga City

July 20, 2023 Zaida I. Delos Reyes 275 views

LIMA katao ang naaresto matapos makumpiskahan ng P5.1 milyong halaga ng smuggled na sigarilyo sa isinagawang operasyon sa Zamboanga City nitong Miyerkules ng umaga.

Nakilala ang mga naaresto na sina Yusop D. Abdulmaid, 26; Sudisin S. Usman, 40; Aberkhan A. Unda, 34: Alsidi D. Absara, 25 at Ilahan A. Muntasir, 34 .

Batay sa ulat ng Police Regional Office (PRO) 9 ang mga suspects ay naaresto sa isinagawang seaborne patrol operation ng mga tauhan ng 2nd Zamboanga City Mobile Force Company sa karagatang sakop ng Barangay Cawit, Zamboanga City dakong 2:50 a.m.

Sa kanilang operasyon, namataan ng mga awtoridad ang isang wooden watercraft na tinatawag na Jungkong kung saan nakasakay ang mga suspect kasama ang 49 master cases ng Astro menthol, 40 master cases ng New Berlin, 50 master cases ng Bros, limang master cases ng Fort at tatlong master cases ng Astro.

Ang naturang mga kontrabando ay nagkakahalaga ng P5,145,000.

Napag-alaman na ang bangka ay galing sa Jolo, Sulu at patungo sana sa Zamboanga City.

Wala umanong maipakitang dokumento ang mga crew ng Bangka na magpapatunay na legal ang pagbibiyahe nila ng mga sigarilyo dahilan upang sila ay arestuhin.