Knife

17-anyos na kelot grinipuhan lola, tiyo

October 29, 2023 Melnie Ragasa-limena 286 views

TINUTUGIS ng pulisya ang isang 17-anyos na lalaki matapos umanong saksakin ang kaniyang lola at tiyuhin nang magalit ang binatilyo dahil hindi sinunod ang kaniyang utos ng nakababatang kapatid, Linggo ng madaling araw sa Quezon City.

Ginagamot sa Quezon City General Hospital (QCGH) ang mga biktimang sina Abraham Cordial Jr., 33, at Norma Cordial, 66, na kapuwa residente ng Tawid Sapa II sa Barangay Kaligayahan sa Quezon City.

Batay sa imbestigasyon ng mga pulisya ng Quezon City Police District Station 16, nangyari ang insidente dakong alas-2 ng madaling araw sa bahay ng mga biktima.

Lumilitaw na inuutusan ng suspek ang kaniyang nakababatang kapatid na 13-anyos na magpa-cash out sa tindahan na hindi sinunod ng huli.

Dahil dito, pinagsisipa ng suspek na noo’y lasing sa alak ang 13-anyos na kapatid na nakita naman ng biktimang si Abraham.

Inawat ni Abraham ang pamangkin na nauwi sa pagtatalo, hanggang sa kumuha ng kutsilyo si Abraham na naagaw naman ng suspek.

Sinaksak ng suspek ang tiyuhin kaya umawat naman si Norman. Subalit maging si Norma ay sinaksak ng kanyang apo.

Mabilis na tumakas ang suspek dala ang kutsilyo habang dinala sa Novaliches District Hospital ang mga biktima at saka inilipat sa QCGH base na rin sa rekomendasyon ng doktor.