Dasma

16-ANYOS SINUNDO NI KAMATAYAN SA KALYE

July 5, 2023 Dennis Abrina 331 views

Estudyante tinamaan ng jeep na nawalan ng preno, naipit sa railings sa kalsada

DASMARIÑAS CITY, Cavite –Patay ang isang 16-anyos na mag-aaral nang tamaan ito ng delivery jeep na nawalan ng preno dahil sa punong-puno ng kargang gulay at buko sa Dasmarinas, Cavite.

Nalasog ang katawan ng biktima na residente ng Blk 1, Brgy. H2, Dasmariñas City, Cavite.

Sugatan naman ang helper na nakaupo sa harapan ng delivery jeep matapos tumilapon palabas ng sasakyan. Ito ay nakilalang si Rene Lohera, residente ng Excess Lot Public Market sa Brgy Burol 1, Dasmarinas City.

Sa imbestigasyon ni Police Master Sergeant Apolonio Narte, officer-on-case ng Dasmariñas PNP, 4 p.m.ng maganap ang insidente sa Congressional Road sa harap ng SM Hypermarket Brgy. Burol 1.

Palabas na sana ang delivery jeep (DNK 214) na minamaneho ni Zaldy Digma Bago, 43, ng Taywanak Ilaya, Alfonso Cavite at galing sa 3rd floor ng nasabing pamilihan.

Dahil sa bigat na karga, nawalan ng preno ang jeep at tuloy tuloy na bumulusok pababa hanggang sa dumiretso sa kabilang linya ng kalsada kung saan naglalakad ang mga estudyanteng papauwi na galing sa eskwela.

Tinamaan ng jeep ang biktima at nalasog ito hinggil sa naipit pa ito sa bakal na railings ng kalsada .

Samantalang tumilapon naman palabas ng jeep ang helper na kasalukuyan ngayong ginagamot sa pagamutan.

Kasalukuyan ng nakakulong ang driver ng jeep at nahaharap sa mga kaukulang kaso.

AUTHOR PROFILE