15 kelot timbog sa anti-illegal gambling raid sa NE
CABANATUAN CITY–Sinalakay ng Nueva Ecija police ang apat na iligal na pasugalan sa Aliaga, Jaen at Quezon at San Jose City na nagresulta sa pagkaaresto ng 15 suspek at pagkumpiska ng P14,958 bet money noong Huwebes.
Sa San Jose City, tatlo ang natimbog na bettors, ayon kay Lt. Col. Ariel Enriquez, hepe ng pulisya, sa report kay Nueva Ecija police chief Col. Richard Caballero.
Huli sa akto ang tatlo habang naglalaro ng color game sa peryahan sa Zone 3, Brgy. Kaliwanagan alas-11:30 ng gabi. Anim na lalaki naman ang arestado sa Sitio Bagnoy, Brgy. San Juan, Aliaga dakong alas-6:47 ng gabi.
Natiklo sila habang naglalaro ng tong-its. Nasamsam ang bet money na nagkakahalaga ng P11,783 at isang deck ng baraha.
Sa dalawa pang operasyon, anim na lalaki rin ang nahuling naglalaro ng tong-its sa Brgy. Sto. Tomas, Jaen at Brgy. Sta. Rita, Quezon. Nakakuha ang mga pulis ng P1,545 bet money.
Kakasuhan ang mga nahuli ng paglabag sa Presidential Decree 1602 (Prescribing Stiffer Penalties On Illegal Gambling).