12-anyos ‘minanyak’ ng 69-anyos na lolo

October 13, 2021 Melnie Ragasa-limena 264 views

ARESTADO ang isang 69-anyos na lolo na diumano ay nanghalay ng ilang beses sa 12-anyos na batang babae na nangungupahan sa aparrtment ng kaniyang kapatid sa Quezon City.

Nakakulong na sa Pasong Putik Police Station ang suspek na si alias Mang Boy, residente ng Barangay Greater Lagro, Novaliches.

Sa report ng Pasong Putik Proper Police Station 16 ng Quezon City Police District (QCPD), bandang alas-4:45 ng hapon (October 11), nang maganap ang pangmomolestiya sa loob ng bahay ng biktima sa Brgy. Greater Lagro, Novaliches QC.

Batay sa imbestigasyon ni PCpl Julie An L Gamora, pumasok umano ang suspek sa tahanan ng 12-anyos na batang babae habang mag-isang naglilinis ng bahay at nagkunwaring tutulungan.

Inutusan ng lolo ang bata na kumuha ng garbage bag at habang iniaabot nito ang plastik ng basurahan ay dinakma ng suspek ang dibdib ng biktima.

Nagtangkang tumakbo ang biktima palabas ng bahay subalit hinila ito ng matanda at agad ipinasok ang kaniyang kanang kamay sa underwear ng bata.

Bagamat nagpupumiglas ang bata, ay muling hinawakan ng matanda ang kamay nito at ipinasok sa kaniyang suot na shorts at pinahawak ang kaniyang ari.

Matapos ay binibigyan umano ng lolo ang bata ng P200 subalit hindi ito tinanggap ng biktima kaya isinuksok ng suspek ang pera sa bulsa ng biktima saka pinagbantaan na huwag magsusumbong sa kaniyang pamilya.

Pero nagsumbong ang bata sa kaniyang tiyahin sa pamamagitan ng Facebook messenger kaya kasama ang lola niya ay inireklamo nila ang suspek sa mga opisyal ng Barangay Greater Lagro na humingi naman ng asiste sa kapulisan at inaresto ang lolo.

Nabatid na nagsimula ang pangmomoletsiya ng lolo sa bata noon pang August 31, 2021 subalit natakot na magsumbong ang biktima dahil baka umano sila palayasin sa kanilang tirahan sa nasabing lugar.

Bukod pa dito, natakot din umano ang biktima sa lolo dahil may nakita umano siyang baril sa mesa ng pumunta siya sa bahay ng matanda para humiram ng tape measure.

Nakapiit na ang suspek at inihahanda na ang kasong isasampa laban sa kaniya.