10-anyos na lalaki minolestiya ng amain

March 18, 2022 Jonjon Reyes 326 views

ISANG 10 taong gulang na batang lalaki ang minolestiya ng kanyang amain, makaraang mag-viral sa social media nang mapost ito ng isang concerned citizen.

Naaresto naman ang suspek sa inilatag na follow-up operation ng Manila Police District (MPD) sa Baseco Compound, Port Area, Maynila.

Dahil dito, himas rehas ang suspek na nakilala sa alyas “Andy”, residente ng Baseco Compound at umano’y kinakasama ng ina ng biktima.

Nauna rito, nagtrending sa social media ang sinapit ng menor de edad na lalaki na itinago sa pangalang “Mark” nang puwersahan itong molestiyahin ng suspek sa gilid ng Dragon 8 Mall sa Claro M. Recto Avenue sa Tondo pasado alas-2:00 ng hapon nitong nakaraang Marso 9, araw ng Miyekules.

Dahil dito, inatasan ni P/Lt. Col. Harry Ruiz Lorenzo lll, commander ng MPD-Moriones Police Station 2 ang kanyang mga tauhan na pag-ibayuhin ang imbestigasyon upang malaman ang pagkakakilalan sa menor de edad na biktima at matukoy ang amain na suspek.

Sa ulat ni Lt. Col. Lorenzo III, kumalat online ang insidente ng kahalayan matapos videohan ng isang netizen na napadaan lang sa lugar, bandang 7:15 a.m. araw ng Linggo, Marso 13, 2022, hinggil sa batang lalaki na umano’y biktima ng kahalayan ng isang lalaki.

In-upload pa ito sa social media ang ginagawang kahayupan ng suspek habang nasa tabi nila ang isang batang babae at nakita pa umano na nakasubdob ang mukha ng menor de edad sa harapan ng suspek habang sila’y nakaupo.

Ayon sa nag-upload ng video, nakasaad ang “Viral ngayon, may isang lalaki may ginawang kahalayan sa isang menor de edad sa gilid ng Dragon 8 Mall,” na kung saan kumalat sa Facebook ang salitang “Help me please.”

“Nasa amin ang pinangyarihan ng insidente at ito ay aming “Area of Responsibility” (AOR) kaya agad na nagsagawa kami ng masusing pagsisiyasat,” pahayag ni Lt. Col. Lorenzo III.

Natunton ang biktima sa Baseco Compound, Marso 17, at isinailalim ito sa medical check up sa Forensic Unit para sa Ano-Genital Examination kung saan nagpositibo ang biktima at dito na nagsagawa ng manhunt operation ang pulisya laban sa amain.

Bandang alas-10:00 a.m., Huwebes, namataan ang suspek sa Baseco Compound kung kaya’t agad naman itong pinosasan ng mga operatiba bago dinala sa nasabing himpilan ng pulisya.

Ang suspek ay diumano live-in partner ng ina ng biktima ay napag-alaman na isa itong “Silahis”.

Nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 8353 (Anti-Rape Law of 1997) ang suspek habang ang batang lalaki ay pansamantalang nasa pangangalaga ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa counseling.

Pinuri naman ni MPD Director P/Brig. Gen. Leo “Paco” Francisco sina Lorenzo III at mga tauhan nito dahil sa mabilis na aksiyon sa pagkakadakip sa suspek at nabigyan agad ng hustisya ang biktimang paslit. Nina Jon-jon Reyes at C.J Aliño

AUTHOR PROFILE