Crime

1 utas, 1 sugatan sa pamamaril sa Pasay

January 16, 2024 Edd Reyes 163 views

PATAY ang 36-anyos na lalaki habang sugatan ang isa pa nang pagbabarilin ng tatlong armadong lalaki sa Pasay City noong Lunes.

Todas na ng dumating sa Pasay City General Hospital si Ron-Ron Uy, alias Bad Boy, ng 2445 Decena St., Brgy. 94 dahil sa mga tama ng bala ng baril sa ulo at katawan.

Kritikal din sa parehong ospital si Jayson Ortez, 39, ng Tuazon Mejia Compound, Las Piñas City na tinamaan ng bala sa kaliwang balikat.

Sa report ni Pasay police chief P/Col. Mario Mayames kay Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Mark Pespes, nakikipag-inuman ang mga biktima sa mga kaibigan sa Decena St. nang dumating ang tatlong hindi pa kilalang salarin dakong alas-7:15 ng gabi.

Dalawa sa mga suspek ang walang habas na pinagbabaril si Uy habang tinamaan din ng bala ang kainuman niyang si Ortez.

Nang bumagsak si Uy, lumapit ang pangatlong suspek at muling binaril ang biktima para matiyak na hindi na mabubuhay bago nagsitakas patungo sa hindi nabatid na lugar.

Bigo ang mga pulis na makilala at matiklo ang mga salarin.

Bukod sa 15 basyo ng bala na nakuha sa crime scene, may nakuha rin sina P/Capt. Dennis Desalisa, hepe ng Investigation and Detective Management Section (IDMS) ng Pasay police, na helmet na hinihinalang gamit ng isa sa mga suspek.

AUTHOR PROFILE