Crime

Wow mali! Kelot nabaril hindi sinaksak

November 12, 2023 Edd Reyes 260 views

BINARIL at hindi nasaksak ang 31-anyos na lalaking humingi ng tulong sa mga opisyal ng barangay matapos umano siyang saksakin sa Malabon City noong Linggo.

Isinugod ng mga barangay tanod sa Tondo Medical Center si Jomel Beltran ng Gozon Compound nang pumunta sa barangay hall para humingi ng tulong dahil sinaksak daw siya ng hindi pa kilalang suspek.

Pero nang isailalim sa operasyon, natuklasan ng attending physician na tama ng bala sa tiyan ang dinadaing ng biktima at hindi saksak.

Sa ulat nina P/SSg. Bengie Nalogoc at P/Cpl. Rocky Pagindas kay Malabon police chief P/Col. Jay Baybayan, dakong ala-1:00 ng madaling araw nang humahangos na pumasok sa Tonsuya Barangay Hall ang biktima at sapo-sapo ang tiyan na humihingi ng tulong dahil sinaksak daw siya.

Agad na nagtungo sa Gozon Compound na pinangyarihan ng umano’y pananaksak ang mga tauhan ng Malabon Police Sub-Station 5 pero wala isa mang makapagbigay ng impormasyon sa insidente.

Sinabi ni Sgt. Nalogoc na gumagawa pa rin sila ng paraan para matunton ang mga kaanak ng biktima para makapagbigay ng impormasyon para matukoy ang motibo sa pamamaril.

AUTHOR PROFILE