Default Thumbnail

Winawasak ng kahirapan ang alamat ng edukasyon

June 3, 2023 Magi Gunigundo 1323 views

Magi GunigundoMARAMI sa ating lipunan ang naniniwala na dakilang tagapagpantay ang edukasyon. Para sa limitadong bilang ng mga mag-aaral, maaaring totoo ito; ngunit para sa karamihan, ito ay hindi. Sa kabila ng magkakaibang katotohanan ng buhay ng mga uri sa lipunan, nangingibabaw ang katuwiran na ang mga mag-aaral na pangkaraniwan o mahina sa klase ay tamad sa pag-aaral o walang tiyaga sa mga paaralan na itinuturing na “socio-economic-status free zones” na may kakayahang maglagay ng mga mag-aaral sa landas patungo sa pag-angat ng kanilang estado sa lipunan. Ang kaisipang ito ay nagpapanatili sa katatagan ng lipunan sapagkat nililipat nito ang sisi at pananagutan mula sa lipunan at sa institusyon ng Dep Ed at binubunton ito sa mga mahirap at kapus-palad para sa sistema ng edukasyon na nakahilig sa mayaman at may kapangyarihan.

Sa isang perpektong mundo, lahat ng mananakbo ay sanay, malusog, at nakasuot ang dekalidad na kagamitan. May isang panimulang linya at sabay na aalis sila dito. Sa modelong ito ng pagkakapantay-pantay, ginagarantiyahan ng mga paaralan na ang lahat ay magsisimula sa pantay na kakayahan sa panimulang linya o maaaring kontrolin ng mga paaralan ang karera upang matiyak na mananatiling patas ang kompetisyon. Ang totoong buhay ay malayo sa ideyal. Kung susuriin mabuti, ang mga paaralan ay nagpapatibay-sa halip na dinadaig- ang panlipunang dibisyon ng mayaman at mahirap.

Siyempre, hindi lahat ng batang Pilipino ay may pantay na kakayahan sa panimulang linya. Ang tinutukoy natin ay ang mga anak ng 3.50 milyong mahihirap na pamilya (PSA , 2021 Family Income and Expenditure Survey). Sila ay binalda ng kahirapan kaya’t kulang sa kasanayan at gamit upang tumakbo ng may laban sa mga kasabay na ipinanganak sa may kayang pamilya.Winawasak ng kahirapan ang alamat na dakilang tagapagpantay ang edukasyon.

Maliwanag ang pagkakaiba sa “pre-natal care” at nutrisyon ng mga buntis mula sa iba’t ibang uri ng lipunan. Ang mga batang maralita ay mas malamang na dumanas ng pagkaantala sa pag-unlad ng isip, huminto sa high school, at magbuntis habang tinedyer pa lang. Ang maralitang mag-aaral ay maaaring madalas na lumipat ng tirahan, at may epekto ito sa tagumpay ng mag-aaral (Vail, 2003). Maaari silang mapasailalim sa higit na karahasan at sa mabuway na pamilya, at kadalasang nakatira sa barong-barong na walang espasyo para makapag-aral (Evans, 2004). Ang mga mahihirap na estudyante ay pumapasok na gutom at nahihiya sa kanilang mga gutay-gutay na uniporme at warat na sapatos, kung mayroon man. Ang kanilang mga magulang ay hindi kayang kumuha ng kinakailangang tyutor, at hindi makadalo sa mga kumperensya ng magulang at guro. Ito ang nakakabaldang impluwensya ng kahirapan (Ebert II at Culyer III, Introduction to Education, p 363©2012).

Ayon sa pananaliksik [Hart& Risley (2003, Spring)], sa karaniwan, ang mga magulang na propesyonal ay nagsasalita ng higit sa 2,000 salita kada oras sa kanilang mga anak, ang mga magulang mula sa uring manggagawa ay nagsasalita ng humigit-kumulang 1,300 salita, at ang mga ina na tumatanggap ng ayuda sa pamahalaan ay nagsasalita ng mga 600 salita . Sa edad na 3, ang mga anak ng mga propesyonal ay may mga bokabularyo na halos 50% na mas malaki kaysa sa mga bata mula sa uring manggagawa at dalawang beses ang laki ng mga batang tumatanggap ng ayuda-isang 30-milyong salita na agwat.

Mahalagang banggitin na ang paggamit ng bokabularyo ng mga bata sa edad na 3 ay mainam na tagapagkalkula ng kanilang marka sa mga sukat ng kasanayan sa wika sa edad na 9-10. Ang mga batang hinihikayat na bumuo at gumamit ng bokabularyo at gamitin ang kanilang inisyatiba mula sa murang edad ay malamang na maunawaan ang wika at direksyon ng mga guro, mas mabilis na makabisado ang pagtuturo at nilalaman na nakabatay sa bokabularyo, at magkaroon ng higit na responsibilidad para sa kanilang sariling pag-aaral kaysa sa mga batang kulang sa mga karanasang ito. Ang mga marka sa pagbasa at matematika ay nagpapakita rin ng malapit na kaugnayan sa panlipunang klase ng mga mag-aaral. Makatwirang asahan na hindi ganap na mababawi ng mga guro ang mga naunang pagkakaibang ito.

Sa pangkalahatan, ipinapakita ng pananaliksik na ang mga pagkakaiba sa kultura ng uri ng lipunan, edukasyon ng mga magulang, at yaman ay humahantong sa iba’t ibang mga kasanayan sa pagpapalaki ng anak. Ang mga salik na ito ay nagbibigay ng iba’t ibang resulta sa edukasyon ng bata. (Leslie Kaplan & William Owings, American Education, p.371-372 ©2011).

Kailangan ipatupad ng Dep Ed ng maayos ang RA 10533 upang matulungan ang mga anak ng 3.5 Million na pamilyang mahirap na kulang ang tinatanggap na serbisyo sa mga pampublikong paaralan.

AUTHOR PROFILE