WIN: MAG-INGAT SA ‘GCASH’ SCAM
Sa gitna ng paglulunsad ng SIM registration
NAGBABALA si Senador Win Gatchalian sa mga gumagamit ng subscriber identification module o SIM sa mobile phone o laptop laban sa umano’y ‘GCash’ scam bago magsimula ang SIM registration na nakatakda sa Disyembre 27.
Isiniwalat ni Gatchalian ang isang email na galing umano sa “GCash Promotions” na nagpapayo sa mga nakatanggap na ang kanilang mga transaksyon ay nagkaroon ng restrictions at upang maibalik ang features, sila ay kailangang mag-pre-register sa pamamagitan ng pag-click sa isang link. Maaaring makompromiso nito ang online security. Ang naturang mapanlinlang na email ay kinumpirma ng GCash Team na isa ngang scam.
“Ipinaglaban natin ang pagsasabatas ng SIM registration sa nakalipas na maraming taon dahil gusto nating protektahan ang mga gumagamit ng SIM laban sa panloloko ng cyber criminals. Kailangan nating abisuhan ang ating mga kababayan na mag-ingat nang husto laban sa mga sari-saring pambibiktima ng mga kawatan,” ani Gatchalian.
Simula Disyembre 27 ngayong taon, kailangang irehistro ng mga gumagamit ng SIM ang kanilang SIM sa loob ng 180 araw o 6 na buwan kung ayaw nilang ma-deactivate mula sa kani-kanilang service provider.
Bilang co-author ng Republic Act 11934, o ang SIM Registration Act, hinimok ni Gatchalian ang mga SIM users na irehistro ang kani-kanilang mga SIM sa lalong madaling panahon. Binigyang-diin niya na ito ay magbibigay-daan sa mga awtoridad na subaybayan ang mga indibidwal na gustong magsamantala sa mga customers.
Sinabi rin ni Gatchalian na nasa panukalang batas ang mga probisyon na magtitiyak sa proteksyon ng personal na impormasyon ng mga customer.
“Ang identity theft ay isa sa mga online scam na gusto nating pigilan kaugnay sa pagsasabatas ng SIM registration. Ang proseso para sa pagbubunyag ng personal na impormasyon ay isang mahigpit na proseso na nangangailangan pa ng isang court order,” dagdag nya.
Ni JUN P. SARMIENTO & CAMILLE P. BALAGTAS