Gatchalian

Win: Iangat kakayahan sa pagbabasa ng mag-aaral

January 7, 2024 PS Jun M. Sarmiento 186 views

ISINUSULONG ni Sen. Win Gatchalian ang maigting na aksyon para iangat ang kakayahan ng mga mag-aaral sa pagbabasa kaugnay ng paglulunsad sa Enero 12 sa lahat ng mga pampublikong paaralan ng programa sa pagbabasa.

Binigyang diin ni Gatchalian ang kahalagahan ng pagbabasa kasunod ng naging resulta ng 2022 Programme for International Student Assessment (PISA).

Ipinapakita ng PISA na kahit papano nauunawaan ng mga 15-taong gulang na mga mag-aaral ang mga literal na kahulugan ng mga maiikling pangungusap.

Bagama’t lumabas na tumaas ang score ng mga mag-aaral noong 2022 PISA kung ihahambing sa 353 na naitalang score noong 2018, ipinaliwanag ng Department of Education (DepEd) na hindi maituturing na statistically significant ang pagbabagong ito.

Lumalabas na sa kabila ng pandemya ng COVID-19, hindi umurong ang kaalaman ng mga kabataan pero wala ring positibong pagbabagong nakita.

Binigyang-diin din ng kagawaran na 76% ng mga 15-taong gulang ang hindi umabot sa minimum proficiency pagdating sa pagbasa.

Isinusulong ng mambabatas ang ilang mga programa upang paigtingin ang pagbabasa at learning recovery.

Isa rito ang ARAL Program Act (Senate Bill No. 1604) na layong tugunan ang pinsalang dinulot ng pandemya ng COVID-19.

Saklaw ng naturang panukala ang mga essential learning competencies sa Language at Mathematics para sa Grade 1 hanggang 10 at Science para sa Grade 3 hanggang 10.

Para sa mga mag-aaral sa kindergarten, bibigyang diin ng programa ang literacy at numeracy.

Isinusulong din ni Gatchalian ang ilang mga panukalang batas tulad ng National Reading Month Act (Senate Bill No. 475) at National Literacy Council Act (Senate Bill No. 473).

Layon ng National Reading Month Act na gawing institutionalized ang pagdiriwang ng National Reading Month tuwing Nobyembre upang isulong ang kultura ng pagbabasa.