Samonte Kinakausap ni P/Maj. Edward Samonte, hepe ng DID-SMaRT MPD ang dalawang suspek na nanlimas sa GCash umano at sumalisi sa mga iPhone at laptop ng doktor ng UST Hospital matapos matimbog sa follow-up operations. Kuha ni Jon-jon Reyes

UST doctor nasalisihan ng GCash, gamit; 2 tiklo

January 31, 2023 Jonjon Reyes 417 views

DALAWANG suspek ang naaresto ng mga operatiba ng District Investigation Division Special Mayor’s Reaction Team (DID-SMaRT) ng Manila Police District (MPD) sa magkakahiwalay na lugar makaraan masalisihan ang isang 28-anyos na doktor sa University of Santo Tomas (UST) Hospital sa Sampaloc, Maynila, iniulat ng pulisya.

Unang nadakip ang isang alyas “Ryan,” isang cellphone technician, ng Bicol Street, Payatas Quezon City, kasama ang kasabwat nito na si alyas “Teodoro,” ng Barangay 128, Balut, Tondo sa lungsod.

Ayon sa ulat ni Police Maj. Edward Samonte, hepe ng DID-SMaRT, nagtungo sa kanilang tanggapan ang biktimang physician o doctor at residente ng isang condominium sa Ermita, Maynila, makaraan umano siya masalisihan ng mga suspek sa loob ng UST Hospital pasado alas 9:38 ng gabi nitong Lunes (Enero 30).

Dahil dito, agad namang nagsagawa ng masusing imbestigasyon o “back tracking” sa pamamagitan ng mga kuha sa CCTV (closed-circuit television) camera.

Sa imbestigasyon ng pulisya, bukod sa Apple iPhone 11 na kulay gray na nagkakahalagang P80,000, isang MacBook Pro 13 inches na kulay space gray na nagkakahalagang P90,000, nakuha din umano ng mga suspek ang Samsung AJ cellphone ng biktima na nagkakahalaga ng P10,000.

Sa patuloy na isinasagawang follow-up operations ng mga tauhan ni Samonte, nalaman din na nalimas ang GCash ng biktima na nagkakahalaga sa P46,000 cash.

Dahil dito, matapos mapag-aralan ng mga awtoridad, tinungo ang isang gasolinahan sa Quezon City at doon nakita ang plate number ng kotse, na ginamit ng isa sa mga suspek,matapos na maberipka ito sa LTO.

Ginamit umano ang GCash ng biktima ng isang alyas “Macmac” sa isang appliance center sa mall, bago naman nagpakarga ng gasolina ang isang suspek sa halagang P6,600.

Nasakote naman ang suspek na nagpakarga ng gasolina gamit ang GCash batay sa impormasyong nakalap at nabawi ang iPhone 11 ng biktima rito.

Ininguso naman nito ang kasabwat nito na nasa Payatas, QC habang patuloy na tinutugis ang dalawa pang suspek na sangkot umano sa paggamit ng GCash wallet ng doktor.

Ang dalawang nahuling suspek ay pawang mahaharap sa paglabag sa Article 308 ng Revised Penal Code (RPC) sa theft at RA (Republic Act 8484) o Access Devices Regulatory Act of 1998, at Anti-Fencing Law.

AUTHOR PROFILE