Default Thumbnail

Mayor Honey binati ang PNU sa ika-31 taon bilang unibersidad

January 31, 2023 Edd Reyes 273 views

NAGPAABOT ng kanyang pagbati si Manila Mayor Maria Sheila “Honey” Lacuna-Pangan sa pamumuan ng Philippine Normal University (PNU) sa pagdiriwang ng kanilang ika-31 taon bilang isang unibersidad.

Personal na ipinaabot ng alkalde ang kanyang pagbati, sampu ng mga kawani ng lokal na pamahalaan ng Lungsod ng Maynila sa pamunuan ng PNU, nang dumalo ang mga opisyal nito at ilang estudyante sa regular na pagpupugay sa watawat nitong Lunes ng umaga sa Kartilya ng Katipunan.

Isa-isang ipinakilala ni Mayor Lacuna-Pangan ang mga dumalong opisyal ng PNU na pinangunahan ni Dr. Bert Jazmin Tuga, ang Pangulo ng unibersidad; Vice President (VP) for Academics Dr. Jenny Jocson; VP for Finance and Administration Dr. Jose Ocampo, Jr.; VP for Planning, Research and Quality Assurance Dr. Adonis David; at VP for University Relations and Advancement Dr. Lordinio Vergara.

Binati rin ng alkalde ang iba pang opisyal ng naturang pamantasan mula sa iba’t-ibang sangay ng PNU sa buong bansa, pati na ang mga deans, mga guro, mga dumalong estudyante sa pagpupugay sa watawat, alumni, at mga kawani ng unibersidad.

“Sabi nga nila, ang edukasyon daw ay nagbibigay ng katatagan sa buhay. Isang mahalagang bagay na hindi maiaalis o mananakaw kahit ninuman. Isang bagay na maipapamana natin sa ating mga anak,” sabi pa ni Mayor Lacuna-Pangan sa kanyang talumpati.

“Ang kahusayan at karunungan ng isang tao ay bunga ng masikap na pagtuturo at pagsasanay ng mga guro. So, maraming-maraming salamat po sa PNU. Saludo po kami sa inyo,” dagdag pa ng alkalde.

Sinabi ng alkalde na ang PNU ay isang pangunahing institusyon sa pagtuturo sa mga nagnanais na maging guro at naideklara ito bilang National Center for Teacher’s Education ng Pilipinas sa ilalim ng Republic Act (RA) No. 9647.

Napag-alaman na una ng itinatag ang Philippine Normal School ang PNU bilang institusyon na magsasanay sa mga guro noong Enero 21, 1901 bago tuluyang nabuksan noong Setyembre 1, ng naturang din taon hanggang itayo na rin ang mga sangay nito sa iba pang panig ng Visayas at Mindanao.

Noong 1949, ginawang kolehiyo ang naturang paaralan na tinawag ng Philippine Normal College at sinimulan ang apat na taong kurso ng Bachelor of Science in Elementary Education.

Sa ilalim naman ng ipinasang RA No. 7168, ginawang unibersidad ang naturang kolehiyo noong Disyembre 26, 1991 habang ang isa sa limang kampus nito sa Maynila ang itinuring na una at pinakamatandang kampus sa bansa.

AUTHOR PROFILE