Undas at perwisyo ni Paeng

October 31, 2022 Erwin Tulfo 147 views

TulfoNAKIKIRAMAY po ako sa mga kababayan nating nasalanta ng bagyong Paeng na kumitil sa aabot sa 80 katao at nagdulot ng bilyun-bilyong pisong halaga ng pinsala.

Masusing pinag-aaralan ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos, Jr. (PBBM) ang rekomendasyon ng National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC) na mag-deklara ng national state of calamity.

Natanggap ni PBBM ang mga ulat sa malawakang pinsala na iniwan ni Paeng na nakapagpalala pa sa epekto ng naunang mga kalamidad tulad ng supertyphoon Karding.

Inaaral na rin ng Kongreso ang posibleng pagrerepaso ng panukalang P5.26 trilyon 2023 national budget para tiyakin na may pondo sa recovery and rehabilitation programs kaugnay ng kalamidad.

Kinatigan ni House Speaker Martin Romualdez ang rekomendasyon ng NDRRMC para sa more efficient delvery of services and recovery efforts.

“Gagawin natin ang lahat para tulungan ang ating mga kababayan,” sabi ni Speaker Romualdez.

Bilang kalihim ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), na ang ahensya ay nakikipagtulungan sa mga local government units (LGUs) at non-government organizations (NGOs), para ipamahagi ang P23.3 milyong halaga ng relief goods sa Paeng victims.

Ayon sa DSWD Disaster Response Operations Monitoring and Information Center may 295,000 households or 1. 27 milyong katao ang naapektuhan ng bagyo.

Ilang araw pa lang bago tumama ang bagyo, tumungo kami sa Abra Province kung saan nagmula ang epicenter ng 6.4-intensity earthquake na yumanig sa Luzon.

Ang lindol na una’y naitala na magnitude-6.7 ay nakapanira ng mga kalsada, tulay, mga lumang simbahan at mga Spanish houses.

Noon ding July, niyanig na naman ang naturang lalawigan ng 7.0 intensity na lindol na bunsod ng landslides at pagbitak sa mga lupa at kalsada.

Ang bagyong Paeng naman ay malala ang iniwang pinsala sa Western Visayas, Maguindanao at Zamboanga provinces habang ang pag-uulan ay naging sanhi ng pagbabaha sa Central Luzon, partikular na sa Cavite Province.

Kalungkut-lungkot at sa gitna ng kalamidad ay ginugunita natin ang alaala ng mga namayapang mahal natin sa buhay ngayong araw ng Undas.

Ngunit ating tinitiyak na ginagawa ng liderato ni PBBM ang lahat para maibsan ang paghihirap ng mga biktima ng kalamidad.

Kami sa DSWD ay tuluy-tuloy ang paghahatid ng food packs (FFPs) at iba pang mga essential items sa evacuation centers at relocation areas.

Welcome po ang mga may ginintuang-puso na gustong mag-volunteer sa pag-repack ng FFPs sa DSWD operations centers.

Maari po kayong tumawag sa 09569226155 or 09152921875 or magsadya sa DSWD NROC sa Chapel Road, Pasay.

Nakaalpas tayo sa halos tatlong taon ng global COVID-19 pandemic.

Naniniwala ako sa tinuran ni PBBM na ang Filipino resiliency and unity ang magsasalba sa atin sa anumang pagsubok tulad ng kalamidad na ito.

AUTHOR PROFILE