Tulfo DSWD Sec. Erwin Tulfo

’BDO online scam’ dapat solusyonan

December 12, 2021 People's Tonight 1347 views

TulfoBAGO ang lahat, nais kong magpasalamat muna sa may-ari at sa pamunuan ng Journal Group of Companies sa pagbibigay sa inyong lingkod ng isa na namang pagkakataon na makapagsulat muli sa isa sa mga pinagkakatiwalaang pahayagan sa bansa ngayon.

Isang karangalan po na muling mapabilang sa isa sa mga kolumnista ng People’s Tonight.

*****

Ilang sumbong na ang nakarating sa akin na nabiktima daw sila ng BDO Online scam.

Kaagad ko namang ipinapaalam sa BDO ang sumbong at nangako ang naturang bangko na iimbestigahan ang mga nasabing scam.

Subalit, sa ilang reklamo na inilapit ko sa nasabing bangko, karamihan daw sa imbestigasyon nila, lumalabas na may kasalanan ang mga biktima dahil naibigay daw nila ang kanilang “ one time pin” o OTP sa sindikato o scammer ng hindi nila sinasadya o namamalayan.

Pero ang ikinakasama ng loob ng mga complainant, bagama’t alam ng bangko na nabiktima sila ng scammer, hindi naman pinapalitan ang nawala nilang pera.

Anila hindi ba nagtataka ang BDO sa madaling araw nangyayari ang mga transaksyon na ito kung saan tulog ang mga tao?

Dagdag pa ng grupo, kaduda-duda na raw ang transaksyon pero tanging text o email lang ang ipinapadala raw ng bangko para ipaalam sa kanila na may ganung transaksyon.

Ang masaklap dumarating ang text o email habang tulog sila kung kaya hindi nila nasasagot para pigilan ang transaksyon.

Isang kamag-anak ko ang nabiktima ng BDO online scam kamakailan. Madaling araw na-widraw ang P150,000 sa kanyang checking account sa pamamagitan ng tatlong online withdrawal transactions.

Ganito raw ang nangyari sa kanya:

May bibilhin daw siya sana noong umaga sa online sa isang kilalang tindahan, ngunit ayaw tanggapin ang kanyang OTP dahil “invalid” daw ito.

Kaagad niyang pinalitan ang OTP niya sa pamamagitan ng BDO online banking at hindi na niya tinuloy ang pag-shopping online sa nasabing tindahan sa takot baka makuha ng sindikato ang bagong OTP niya.

Kinabukasan ng madaling araw nangyari nga ang tatlong sunod-sunod na withdrawal sa kanyang checking account sa BDO.

Habang sinusulat ko ang kolum na ito, isang Facebook post ng UNIBOX. PH ang nagsasabi na nasa 120 katao na raw ang nabibiktima ng BDO online scam.

Totoo man o hindi ang bilang ng mga biktima ng scam na ito, dapat ayusin ng BDO ang problemang ito dahil sa ibang bangko madalang mong marinig ang ganitong mga reklamo.

Makialam na rin dapat ang Central Bank hinggil sa isyung ito kung dapat bang isoli ng BDO ang mga nawalang pera ng kanilang customers na hindi naman nila kasalanan.

AUTHOR PROFILE