Paul Gutierez

Mas pinalakas na proteksyon sa media!

May 28, 2024 Paul M. Gutierrez 91 views

PATULOY ang pagsusumikap ng Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) sa pangunguna ng inyong lingkod na mas mapaigting pa ang pagtiyak sa kaligtasan at kalayaan sa pamamahayag ng mga kagawad ng media sa pagganap sa kanilang tungkulin partikular ngayong papalapit na naman ang halalan.

Batid natin ang panganib at mga natatanggap na pagbabanta sa buhay ng mga kapatid natin sa media, partikular tuwing panahon ng halalan, kung saan maraming mga karahasan at pananakot ang natatanggap ng mga kapatid natin sa hanapbuhay sa mga nagdaang panahon ng eleksyon.

Kaya naman, isinulong ng inyong PTFoMS na magkaroon ng isang kasunduan (memorandum of agreement o MOA) katuwang ang Commission on Elections (COMELEC), upang gawing ‘election offense’ ang ano mang uri ng pag-atake, pananakot, panggigipit at lahat ng kaparehong karahasan laban sa media sa panahon ng halalan o nalolooban ng ‘election period.’

Inaasahan na lalagdaan natin ang nasabing MOA kay Comelec Chairman George Garcia sa susunod na buwan.

Natutuwa tayo na bilang isa rin dating media practitioner na katulad natin, agad na sumang-ayon si Chairman Garcia sa ating panukala na tugon din sa kagustuhan ni Pangulong Bongbong Marcos na matiyak na mayroong ligtas na kapaligiran para sa mga kasapi ng media, partikular sa papalapit na 2025 midterm elections.

Bukod dito, muli nating ipinapaalala ang pagtatalaga sa mga kagawad ng PNP bilang Media Safety Vanguards (MSV) ng PTFoMS sa isang sulat na ipinadala natin kay DILG Secretary Benhur Abalos Jr.

Ang PTFoMS ay binuo sa bisa ng Administrative Order No 1 (AO 1) na ang pangunahing mandato ay mangalaga sa kapakanan, buhay at seguridad ng media, kung saan malaking papel ang ginagampanan ng DILG at PNP.

Bilang mga kasapi, ipinaalala natin sa dalawang ahensiya ang agarang pagtatalaga ng Focal Persons at Media Vanguards sa buong bansa na pamumunuan ng mga hepe ng Public Information Offices (PIOs) mula sa National Headquarters, hanggang regional, provincial, city at municipal PIOs ng PNP.

Pangunahing madato nila na tiyakin ang kaligtasan ng media sa kanilang nasasakupan, kung saan regular silang makikipag-ugnayan sa local media at sa PTFoMS.

Kaya ang ating apela sa ating mga pulitiko, huwag sana maging “balat-subuyas” sa mga pag-uulat ng media at huwag humantong sa anumang karahasan laban sa kanilang hanay.

Bagkus, sana ay magsilbing hamon sa inyong panunungkulan o pagganap sa tungkulin, ang anumang pagbatikos na inyong matatanggap. Tandaan na ginagampanan lamang ng media ang kanilang tungkulin na iulat sa taumbayan ang mga kaganapan sa ating komunidad.

Sa atin naman mga kapatid sa media, hiling din natin na maging patas, responsable at maging makatotohanan sa pagbabalita, batay sa itinatakda ng ating Journalist’s Code of Ethics.

Muli, ang ating taos-pusong pasasalamat kay Chairman Garcia at kay DILG Sec. Benhur Abalos sa patuloy na pakikiisa sa pagsusulong ng kapakanan ng media.

Sa mga kapatid natin sa pamamahayag, asahan ninyo na patuloy tayong gaganap at gagawa ng paraan upang isulong ang karapatan at kapakanan ng ating hanay!

AUTHOR PROFILE