Default Thumbnail

Triker ‘nangholdap’ ng coed, dedo sa shootout

June 4, 2023 Zaida I. Delos Reyes 346 views

PATAY ang isang tricycle driver matapos manlaban umano sa shootout sa pagitan ng mga rumespondeng alagad ng batas nang holdapin nito ang isang college student Sabado ng gabi sa Davao City.

Nakilala ang napatay na si Mark Pabellon, 29, tricycle driver, residente ng lugar.

Batay sa ulat na nakarating sa Camp Crame, ang insidente ay naganap dakong 9:45 p.m. sa Barangay Bato, Toril District sa nasabing lungsod.

Ayon kay Maj. Catherine Dela Rey, tagapagsalita ng Davao City Police Office, nagsagawa ng operasyon ang pulisya laban sa suspect makaraang dumulog sa kanilang tanggapan ang 24-anyos na estudiyante ng Rizal Memorial Colleges upang isumbong ang paghoholdap umano sa kanya ng suspect dakong 8 p.m.

Hinablot umano ng suspect ang bag ng biktima na naglalaman ng identification cards, resibo, mobile phone at P3,185 na cash.

Agad nagsagawa ng follow-up operation ang pulisya subalit sa halip na sumuko ang suspect ay nakipagbarilan umano ito sa mga pulis na naging sanhi ng kanyang kamatayan.

Nakuha mula sa suspect ang bag ng biktima, isang caliber .38 revolver , mga bala at anim na sachets ng shabu.

Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya upang bigyang linaw ang insidente.