Duke House Deputy Speaker at Cebu 5th Dist. Congressman Vincent Franco “Duke” D. Frasco

Tourism slogan testamento ng pagmamahal ng mga Pinoy sa PH

July 17, 2023 Mar Rodriguez 395 views

NANININDIGAN si House Deputy Speaker at Cebu 5th Dist. Congressman Vincent Franco “Duke” D. Frasco na dapat manatili ang paggamit ng Department of Tourism (DOT) sa “Love the Philippines” logo at slogan nito dahil testamento ito ng pagmamahal ng mga Pilipino sa Pilipinas.

Nauna rito, inihayag ng DOT-National Capitol Region na patuloy nilang gagamitin ang “Love the Philippines” slogan at logo.

Binigyang diin ni Congressman Frasco na ang paggamit sa “Love the Philippines” ay hindi lamang pumapatungkol sa panghihikayat o pang-eenganyo ng Tourism Department sa mga dayuhang turista na bumista sa bansa. Sa halip, sinisimbulo umano nito ang pagmamahal natin sa ating sariling bayan.

Ipinaliwanag ni Frasco na napakaraming dahilan kung bakit dapat mahalin ng mga Pilipino ang kaniyang sariling bansa. Una na rito ay pinuna niya na mismong mga dakilang bayani na gaya nina Gat. Andress Bonifacio at Jose Rizal ay nagbuwis ng kanilang buhay para sa Pilipinas.

Bukod dito, sinabi pa ni Frasco na dito lamang matatagpuan sa Pilipinas ang mga magagandang lugar at tanawin na hindi makikita sa ibang bansa. Kabilang na dito ang Puerto Princessa Underground River, Chocolate Hills sa Bohol, Mayon Volcano sa Albay at iba pang magagandang lugar sa bansa.

Sinabi ni Frasco na tingnan ang “Love the Philippines” slogan at logo bilang testamento ng pagmamahal ng mga Pilipino sa kanilang sariling bansa.

Samantala, nagpasalamat naman ang pamunuan ng San Sebastian Parish Church kay Frasco dahil sa pagdo-donate ng kongresista ng mga construction materials para sa pagpapagawa ng nasabing simbahan sa Borbon, Cebu.

AUTHOR PROFILE