Tolentino

Tolentino sa DOH: Publiko balaan, gabayan vs umuusbong na sakit

April 7, 2024 People's Tonight 201 views

NANAWAGAN si Senator Francis “Tol” Tolentino sa Department of Health (DOH) na maglabas ng mga babala o paalala para magabayan ang publiko sa mga seasonal na sakit at isyu sa kalusugan na umusbong sa buong taon.

Nababahala si Tolentino tungkol sa dumaraming kaso ng tigdas at pertussis, sa pagtaas ng impeksyon ng rabies sa bansa, at iba pa tulad ng lagay ng panahon, aktibidad ng bulkan, maging ng pagkawala ng maiinom na malinis na tubig na nakaaapekto sa kalusugan ng publiko.

Sa konsultasyon kay Assistant Secretary Albert Domingo, tagapagsalita ng DOH, nais ng mambabatas na itaas ng ahensyang pangkalusugan ang kamalayan ng mga tao hinggil sa mga sakit na umuusbong dahil sa panahon, bacterial at viral infections.

Ayon kay Domingo, ang bilang ng mga naitalang kaso sa buong bansa mula Enero hanggang Marso ay umabot sa 1,189 para sa tigdas, 862 para sa pertussis na may 49 pagkamatay, at 89 para sa rabies.

Sinabi niya na ang tigdas at pertussis ay kasama sa ‘routine immunization’ bilang mga maiiwasang sakit, ngunit nabigo ang gobyerno na ipatupad ang pagbabakuna para sa mga sakit na ito sa panahon ng pandemya ng COVID-19.

Sinabi ni Domingo na kapag nahawahan ng rabies, nagdudulot ito ng kamatayan, kaya dapat na isagawa ang pagbabakuna sa mga nagdadala ng virus, kabilang ang mula sa mga kagat ng pusa at aso.

At dahil sagana sa mga halamang gamot ang Pilipinas, nagtanong si Tolentino tungkol sa paggamit ng herbal medicines para sa tigdas at pertussis na pangunahing nakaaapekto sa mga bata at sanggol.

Bilang tugon, hinimok ni Domingo ang paggamit ng mga herbal medicine para sa tigdas at pertussis upang maibsan ang mga sintomas tulad ng lagnat, sipon, at ubo.

Gayunpaman, sinabi ni Domingo na ang mga may nasabing sakit ay dapat mabigyan ng naaangkop na mga gamot sa bacterial o viral infection.

AUTHOR PROFILE