Tolentino

Tolentino itinutulak herbal medicine vs pertussis.

April 3, 2024 People's Tonight 122 views

Habang wala pang bakuna ang DOH:

ITINUTULAK ni Sen. Francis “Tol” Tolentino ang paggamit ng herbal medicine para labanan ang pertussis outbreak sa ilang bahagi ng bansa, habang hinihintay ng Department of Health (DOH) ang pagdating ng anti-pertussis pentavalent vaccine.

Noong Martes, inirekomenda ni Tolentino ang paggamit ng lagundi, isang halamang gamot sa ubo at sipon, na sagana sa buong kapuluan.

Aniya, maaari rin itong magamit para labanan ang pertussis outbreak dahil hindi pa dumarating ang supply ng pentavalent vaccines.

Ngunit binalaan ni Tolentino ang mga gumagamit ng raw lagundi sa paggawa ng nasabing medisina at pinayuhan ang publiko na kumonsulta sa doktor sa paghahanda at reseta nito.

Sumang-ayon si Undersecretary Eric Tayag, tagapagsalita ng DOH, sa rekomendasyon ni Sen. Tolentino.

Aniya, ang lagundi ay madaling makuha o mabili sa syrup at kapsula sa mga botika para sa mga matatanda at bata para hindi na maging abala sa paghahanda ng medicinal tea, gamit ang raw lagundi.

Ang pertussis outbreak ay naiulat na sa ilang lugar sa Pilipinas o may mahigit 450 kaso nang naitala ngayong 2024.

Ayon sa DOH, ang mga apektadong lugar at ang kanilang mga naiulat na kaso noong huling bahagi ng Marso 2024 ay kinabibilangan ng Quezon City na may 25 kaso kung saan ay 5 sanggol ang namatay, at Iloilo City, na may pitong kumpirmadong kaso sa 16 pinaghihinalaan. Nasa state of calamity ang lungsod.

Nagdeklara na rin ng state of calamity ang Cavite province kung saan 36 ang kaso at anim ang namatay; nakapagtala naman ang Rizal ng 31 kaso; ang Laguna ay mayroong 28 kaso; ang Batangas ay mayroong 24 kaso; May 10 kaso ang Quezon province; may 2 kaso ang Lucena City; 8 ang kumpirmado sa Taguig City; ang Pasig City ay mayroong 25, kabilang ang 17 kumpirmadong kaso at dalawang namatay.

AUTHOR PROFILE