Herrera

TO THE RESCUE

April 25, 2024 People's Tonight 92 views

Herrera sasaklolo sa solo parents

TO the rescue si Rep. Bernadette Herrera sa mga “solo parent” na mga magulang na aniya ay tila hindi nabibigyan ng kaukulang pansin ng pamahalaan.

Ayon kay Herrera, kinatawan ng Bagong Henerasyon Party-list, marami pang kailangang punan ang gobyerno upang matulungan ang mga solo breadwinner, legal guardian, at caregiver.

“Napapanahon nang kilalanin din ang mga solo parent sa pamamagitan ng mas aktibong representasyon at pagtugon sa kanilang mga hinanaing na pansinin din sana at mabiyayaan ng mga programa ng gobyerno,” binigyang-diin ng mambabatas sa isang press conference na ginanap kamakailan.

Binanggit ni Herrera ang adhikain ng Bagong Henerasyong Partylist na “I-angat ang Lahat ng Pamilya” na siya aniyang sumisimbolo sa mas pinaigting na pagkilala sa mga pangangailangan ng mga “soloista” at kanilang pamilya.

“Naniniwala po ako na hindi tayo lumalayo sa ating adhikain na pagyamanin ang susunod na henerasyon ng mga pamilya sa Pilipinas. Ang mga programang naka-base sa hangaring magpa-abot ng tulong sa mga solo-parent family ay mga progresibong hakbang tungo sa pag-unlad ng lipunan,” dagdag ni Herrera.

Ibinahagi ng kongresista ang isang pag-aaral na nagsasabing mahigit-kumulang 15 million na ang naitalang solo parents sa bansa, at 95% nito ay babae.

Dagdag pa ni Herrera, karaniwan sa mga soloista ay hirap makakuha ng benepisyong nakasaad sa Solo Parent Act, kabilang na dito ang pagkuha ng mismong Solo Parent ID.

May mga establisyemento rin, umano, ang hindi tumatanggap o nag-bibigay ng kaukulang diskwento o benepisyo sa mga Solo Parent ID holders.

“Kapansin-pansin na kapos pa rin ang mga kaalaman at guidelines sa mga serbisyo at benepisyo na natatanggap ng ating mga solo parents,” saad ni Herrera, sabay dugtong: “May kasabihan po tayo: those who have less in life, should have more in law. Pero bakit parang napag-iiwanan sila sa batas?”

Agad naman nagpaabot ng pakiki-isa ang mga personalidad na sina Robert Nazal, Presidente ng YSA Skin Care Clinic, at Rodolfo Medina Jr., Chief Executive Officer ng Medical Depot, na nangakong magbibigay ng diskwento sa lahat ng solo parent.

Ayon kay Nazal, magbibigay ito ng 10% discount sa lahat ng tanggapan ng YSA Skin Care Clinics, “Bilang pagkilala at suporta sa mga soloista sa ating komunidad, nais naming iparating sa kanila na may mga nagmamalasakit sa kanila.

Samantalang, nangako din ang Medical Depot Bambang na magpapaabot ng parehong suporta, “hangad naming maging instrumento ng kagalingan at kaginhawaan, kaya masaya kami na ibahagi ito sa mga soloista.”

Nagpasalamat si Herrera sa malugod na pag-tugon sa adbokasiya ng Solon ng Soloista, “ipakita po natin sa ating mga soloista na may back-up na sila,” iginiit ni Herrera.

AUTHOR PROFILE