Laurel

DA: PH ports dapat i-upgrade; P30.1B funds dapat ilaan

April 25, 2024 Cory Martinez 74 views

DAPAT i-upgrade ang mga regional at subregional ports para magamit bilang agri-logistics hub sa buong bansa, ayon kay Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel, Jr.

Sinabi ng opisyal na matutupad ang proyektong ito kung paglalaanan ng P30.1 bilyon na pondo para sa four-year upgrading ng mga naturang seaports at gagawing deep-water ports.

Kasama sa four-year plan ang pagpapatayo ng mga seaport na maaaring tawaging “food train,” ani Tiu Laurel.

Bukod sa pagpapalalim ng access channel sa mga pantalan para makadaong ang fully-laden na mga Panamax vessel, kabilang sa development plan na ito ng Philippine Fisheries Development Authority (PFDA) ang pagpapatayo ng mga silo, cold storage, agricultural processing areas, cargo handling facilities, quays, shipyards, fuel depots at pipelines.

Kamakailan, pinag-usapan sa pulong nina Laurel, na siya ring chairman ng PFDA board, at ang management team ng PFDA ang mga plano ng huli, partikular na ang plano nitong gawing entry at exit point ang regional ports para sa mga produktong agrikultura para mabawasan ang gastos sa pagbiyahe ng mga produkto sa pagsasaka at pangingisda sa mga isla.

Samantala, sa kanyang pakikipagpulong sa Federation of Free Farmers, binigyang diin ni Tiu Laurel ang pagresolba sa problema sa pagbiyahe at pamamahagi ng mga produktong agrikultura sa mga lugar na malaki ang pangangailangan.

Kabilang din dito ang pagdala ng mga produkto sa mga lugar na mas nangangailangan para mabawasan ang food production cost.

Naniniwala si Tiu Laurel na tataas ang kita ng mga magsasaka at mangingisda kahit na bababa ang presyo ng bilihin kapag nabawasan na ang gastos sa food production at distribution costs.

Batay sa inisyal na kailangan na pondo para sa pagtatayo ng 18 na pantalan, nangangailan ang PFDA ng P6.04 bilyon para sa taong ito at P24.08 bilyon sa susunod na taon.

Para sa 2024 na budget, P4.2 bilyon ang gagamitin sa pagpapatayo ng pitong regional ports, kabilang dito ang apat na fish ports sa Davao, General Santos, Iloilo at Zamboanga at tatlong deep water ports sa Cebu, Palawan at Surigao City.

Ang natitirang pondo gagamitin sa pagpapatayo ng subport na may deep water ports nang may tatlo hanggang limang ektarya.

Kabilang sa 11 subport na tinukoy ng PFDA ang mga nasa Jose Panganiban, Camarines Norte; Pagudpud, llocos Norte; Bongao, Tawi-Tawi; San Jose, Occidental Mindoro; Cataingan, Masbate; Infanta, Quezon; Pantao, Albay; Kalmansig, Sultan Kudarat; Bataan; Mati City, Davao Oriental; at Cadiz, Negros.

AUTHOR PROFILE