Default Thumbnail

Tiyuhing nangmolestiya ng pamangkin, timbog

July 8, 2022 Edd Reyes 259 views

PASOK sa selda ng Manila Police District (MPD) ang isang 35-anyos na umano’y miyembro ng Sputnik Gang, makaraang mangmolestiya ng 12-anyos na pamangkin sa Malate, Maynila umaga nitong nakaraang Huwebes.

Base sa ulat ni P/Lt. Col. Salvador Tangdol, station commander ng MPD-Station 9, bandang 8:00 ng umaga nang maganap ang umanong pangmomolestiya ng suspek sa sarili nitong pamangkin na itinago sa pangalang “Aika”.

Salaysay ng biktima, kasama nito ang kanyang pinsang babae na anak ng suspek sa isang kuwarto nang pumasok ang kanyang tiyuhin at dito na umano siya ginawan ng kahalayan.

Pinaghihimas nito ang maselang bahagi ng katawan ng biktima at nang magising ito, nakita nito na nasa maselang bahagi na ang kamay ng kanyang tiyo, sinabihan ng biktima na ihinto nito ang ginagawa sa kanya at mabilis nitong hinawi ang kamay ng suspek saka niyaya ang pinsan na lumabas ng silid.

Sa pamamagitan ng chat sa Facebook, nagsumbong sa kanyang tiyahin na nasa abroad ang pangmomolestiya ng tiyuhin.

Nakarating naman sa lola ng biktima kung kaya’t humingi ito ng tulong sa nakakasakop ng barangay at mismong mga kagawad na babae, kasama ang ilang barangay tanod, ay nakipag-ugnayan sila sa mga tauhan ng MPD-Arellano PCP (Police Community Precinct).

Dakong 5:00 ng hapon nang masakote ang suspek sa bahay nito at nahaharap sa kasong paglabag sa Article 336 “Acts of Lasciviousness” in relation to Republic Act 7610 (Child Abuse Law).

AUTHOR PROFILE