Default Thumbnail

Taytay, Rizal, Garments Capital ng Pilipinas

November 30, 2022 Edd Reyes 708 views

Edd ReyesPRIMERA klaseng munisipalidad angTaytay dahil narito ang mga magagaling na mga mananahi na pulido sa paggawa ng iba’t-ibang uri ng damit.

Katunayan, ang Taytay ang tinaguriang Garments Capital ng Pilipinas kaya nakakalungkot na hindi napigilan ng lokal na pamahalaan ang nagkalat na pekeng branded na kasuotan at kailangan pang ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang kumilos upang matukoy ang mga pekeng damit na ginaya ang branded na gawa ng isang lokal na kompanya.

Umabot nga sa P350k ang halaga ng mga pekeng kasuotan ang nasamsam sa mga stalls sa Taytay kaya hindi malayong mag-atubili ang mga mamimili kung dadayo pa sila rito.

Kung tutuusin, hindi naman talaga naging pabaya si Taytay Mayor Allan De Leon dahil panay nga ang post nila sa social media ng walang tigil na pagta-trabaho, lalu na ng paglilinis ng mga kapaligiran at mga naiwang kalat ng mga manininda at mamimili sa mga tianggihan. Yun nga lang, hindi nila alam na nasisingitan pala sila ng mga pekeng produkto.

Pero hindi lang pekeng produkto ang nakapasok sa mga matataong lugar sa Taytay kundi maging ilegal na sugal na drop ball, color games at iba pa na may puwesto na sa Bagong Palengke, sa may San Isidro, at maging sa Floodway na mga operator ay gumagamit na kakaibang alyas na “Rambo”, “RJ”, “Perly” at “Rommel” na nag-iiwan din ng mga basura at kalat sa umaga na kailangang ipalinis ni Mayor.

Ang gagaling maka-isip ng alyas nitong mga naglalatag ng ilegal na aktibidad sa lalawigan ng Rizal dahil bukod kay Rambo, mayroon ding gumamit ng pangalan ng sikat na American singer na “Boylife”, ng Hollywood publicity firm na “Elvie”, apelyido ng mga bantog na American actors na “Wood”, at “Taguro” na halaw sa Japanese animated series kaya siguro nakakalusot sila sa mga tauhan ni Rizal Provincial Police Director P/Col. Dominic Baccay.

Sina alyas “Taguro” at “Wood” ay nakapaglatag ng ilegal na gawain sa Mahabang Parang at sa Gate 2 sa Antipolo habang si alyas “Boylife” ay sa tulay ng bayan ng Montalban at sa bayan ng Morong. May extension din si alyas “Rambo” sa Brgy. Macamot sa Binangonan na pawang nasa lalawigan ng Rizal.

One Barangay One Product sa Navotas

Hindi lang sa pangingisda mahusay ang mga Navoteño kundi sa paglikha rin ng mga produktong pagkain kaya inilunsad ni Mayor John Rey Tiangco ang patimpalak na “One Barangay One Product” na napagwagian ng Brgy. Tangos North sa inilahok nilang Kakaining Tibok-tibok.

Ibinulsa ng taga-Brgy. Tangos North ang premyong P30k na dagdag sa kanilang puhunan habang P25k naman ang naiuwi ng taga-Brgy. Navotas West sa inilahok nilang tuna chips at P20k para naman sa Brgy. Tanza I sa kanilang proyektong mushroom farming.

Ang ilan pang lumahok sa timpalak ay ang Brgy. Tanza 2 na isinali ang kanilang potato crab ball, Chinese kikiam ng Brgy. Tangos South, relyegong bangus ng Brgy. San Roque, tocihong ng Brgy. Daanhari at longganisang hubad ng Brgy. San Jose.

Sabi ni Mayor Tiangco, mayaman sa raw materials ang Navotas na magagamit sa paglikha ng mga bagong produktong pagkain kaya hinihikayat niya ang mga Navoteños na gamitin ang kayamanan ng lungsod sa paglikha ng orihinal at masarap na pagkain.

At dahil mayaman na talaga ang Navotas, kamakailan ay bumili pa sila ng dalawang bagong dump trak para magamit sa paghakot ng basura para palakasin ang kanilang waste management program.

Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0923-347-8363 o mag-email sa [email protected]

AUTHOR PROFILE