Military

Tapat sa serbisyo

May 22, 2023 People's Tonight 219 views

TALAGANG malaki ang papel na ginagampanan ng mga graduate ng Baguio City-based Philippine Military Academy (PMA), ang pangunahing military school ng ating bansa.

Kaya, tama lang ang panawagan ni Pangulong Marcos sa mga miyembro ng PMA Madasigon Class of 2023 na dapat maging tapat sila sa pagsisilbi sa bayan na nagpaaral sa kanila.

Sa ginanap na graduation ng PMA Class 2023 noong Linggo, Mayo 21, ay hinamon pa ni Marcos ang mga bagong opisyal ng militar na maging handa sa totoong hamon ng buhay.

Huwag nating kalimutan na ang mga kadete sa PMA ay apat na taong mag-aaral ng libre. Ang ibig sabihin nito ay pera ni Juan dela Cruz ang ginagamit para sila’y hubogin ng akademya.

Hubogin sila para maging magaling at tapat na opisyal ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas na handang magbuwis ng buhay para pangalagaan ang kapakanan ng taumbayan at bansa.

Sa mga graduate, sinabi ng Punong Ehekutibo na “in all your tasks, diligently work for unity, respect for democratic ideals, institutions. mechanisms, and rule of law.”

Bilang mga produkto ng PMA, ang 310 na miyembro ng Class 2023, na karamihan ay sasapi sa Philippine Army (PA), sila ay inaasahang magiging tapat sa pagsisilbi sa bayan.

Sa tingin ng maraming sektor, kasama na ang mga ordinaryong kababayan natin, ay handang-handa ang mga bagong opisyal na kaharapin ang mga problema at hamon ng buhay.

Ang mahalaga ay huwag nilang kalimutan ang mga natutunan nila sa PMA. “They ought to cling to the values of courage, integrity and patriotism,” ayon sa isang dating sundalo.

Bilang mga Pinoy, gawin nating lahat ng paraan para lang mapabuti ang kalagayan ng bansa at mamamayan, lalo na ang mga mahihirap at iba pang vulnerable sectors ng lipunan.

AUTHOR PROFILE