Default Thumbnail

EO9 ni PBBM dedma sa PNP?

May 22, 2023 Marlon Purification 260 views

Marlon PurificationAYAW kong isipin na ganito ang nangyayari ngayon sa ating pambansang pulisya dahil maayos naman so far ang liderato ni PNP chief Gen. Benjamin Acorda Jr.

Parang ang tingin ko ay nagkakaroon lang ng ‘misalignment’ pagdating sa ating mga Police Regional Office (PRO) dahil mukhang hindi nila sineseryoso ang kampanya kontra illegal gambling.

Ang dating kasi sa taumbayan, mistulang binabalewala ng ilang PNP officials ang ipinalabas na Executive Order No. 9 ng Pangulong Bongbong Marcos na nagsasabing bawal ang operasyon ng sabong online saan mang sulok ng bansa.

Bunsod ito sa pagkawala ng 34 sabungero na hanggang ngayon ay hindi pa rin nakikita at mailap ang hustisya para sa kani-kanilang pamilya.

Si Atong Ang na pasimuno ng Pitmaster Sabong Online ay kaagad huminto sa pag-ooperate ng dating legal na E-Sabong. Pero may mga kurimaw talaga na hindi marunong sumunod sa batas.

Dahil kahit may ipinalabas nang EO 9 ang Pangulong Marcos, tuloy pa rin sa kanilang illegal na sabong online ngayon. Ilan sa kanila ay ang Sabong Worldwide at Sabong Express.

Ang ‘main operation’ ng Sabong Worldwide ay sa buong southern tagalog at kalapit na probinsiya.

Ito namang Sabong Express na ang line ng operasyon ay sa buong Central Luzon, partikular na sa Bulacan, Pampanga at Nueva Ecija, ay pinamumunuan ng isang alyas Dose.

Si Dose ang may hawak din ng bookies ng small town lottery (STL) sa buong Region 3.

Kakaiba ang operasyon ni Dose sa Region 3 dahil mistulang legal na legal pa rin ang E-Sabong sa kanilang probinsiya. Tulad ng naunang legal na sabong, mayroon ang Sabong Express ng Off-Cockpit Betting Station (OCBS) na parang tumataya lang sa isang lotto outlet ang isang mananaya.

Muli, nangyayari ito sa kabila ng ipinalabas na EO9 ng Pangulong Marcos.

Dahil dito, gusto nating tawagan ng pansin sina PRO3 chief Brig. Gen. Jose S. Hidalgo dahil jurisdiction po niya ang buong gitnang luzon.

Gayundin kay Brig. Gen. Carlito Gaces na siya namang hepe ng PRO4a.

Mga Sirs, huwag po sanang sasama ang loob n’yo.

Pero hanggat patuloy po na may nakikita ang ating kababayan na illegal na sabong online, ibig lang po sabihin nito ay napalulusutan kayo ng inyong mga tauhan.

Maging mantra po sana natin ang kautusan ni PBBM, partikular na ang EO9.

Samantala, si Codename Billyjoe ay tuloy pa rin sa paglikom ng P25M a month mula sa mga gambling lord ng CALABARZON, partikular na sina Tose at Don Ramon ng Laguna, JY ng Cavite, Cesar ng Batangas at Eddie ng Quezon province.

Umaasa po tayong may gagawing aksiyon dito ang mga magigiting na heneral.