Marlon

Talamak na tupada sa Ragay, Camsur

February 3, 2024 Marlon Purification 136 views

GUSTO nating manawagan sa mga pulis na nakasasakop sa probinsiya ng Camarines Sur.

Kabi-kabilang sumbong kasi ang natatanggap natin hinggil sa talamak na tupada sa kanilang nasasakupan.

Alam kong pagtuunang pansin agad ito ni Camarines Sur Police Provincial Office director Col. Julius Domingo.

Gayundin si Major Penero na chief of police naman sa bayan ng Ragay at ang intelligence chief na si Major Richard Villanueva.

Para po sa kaalaman ng lahat, ang Ragay ay isang first class municipality sa naturang probinsiya.

Mga 60,000 lamang ang kabuuang popülasyon nito na isang tahimik, payapa at magandang probinsiya.

In fairness, wala pa tayong naririnig na hindi maganda sa kanilang alkalde na si Major Tade Ramos.

Kaya nga nakagugulat na may mga sumbong tayong naririnig, patungkol sa tupada na isang uri ng illegal gambling.

Nabatid na tatlong beses ginaganap ang tupada sa loob ng isang linggo.

Pati sakla at malawakang sugal na tong-its ay talamak na rin sa naturang bayan.

Dati, legal ang sabungan sa naturang probinsiya, ngunit dahil sa isyu sa pulitika, nahinto ito kaya ngayon ay nakukuntento na lamang sila sa illegal na sugal na tupada.

Ginagamit ang pangalan ng mga nabanggit nating police officials kaya magandang sila mismo ang umaksiyon hinggil sa naturang sumbong.

Isang alyas Trouble ang kolektor ng illegal gambling na pati mga tropa sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ay nakakaladkad hinggil dito.

Isang barangay official na may may alyas Ato ang dapat kumilos din dahil pati siya ay nagagamit ng sindikato sa tupada.

Dahil sa mga impormasyong ito, umaasa tayong gagawa ng aksiyon ang mga tinukoy nating pangalan na opisyal para mapanatili at maibalik uli ang ganda at katiwasayan sa bayan ng Ragay, Camarines Sur.

Dios mabalos, mga bossing!