Lani Cayetano

TAGUIG NAGHAIN NG MOTION SA SC

June 14, 2023 People's Tonight 189 views

UMAPELA si Taguig City Mayor Lani Cayetano sa Korte Suprema na magpalabas ng show cause order at pagpaliwanagin ang Makati City matapos sabihin na hindi pa tapos ang kaso ng Taguig-Makati territorial dispute.

Ang mosyon na inihain ni Cayetano sa SC ay Extremely Urgent Manifestation with Motion Ad Cautelam, isa itong legal remedy para sa agarang aksyon ng SC upang maiwasan ang anumang problema na maaaaring idulot ukol sa territorial dispute.

Ang hakbang ni Cayetano ay bilang reaksyon sa pahayag ng Makati na hindi pa tapos ang laban sa Taguig-Makati territorial dispute.

Sinabi ni Cayetano na walang natanggap na kautusan ang Taguig kaya nagtungo sa SC si Atty. Warren San Jose ng Taguig Legal Office para magberipika, dito nilinaw ng SC-Third Division na syang may hawak ng kaso, na walang order o resolusyon na ipinalabas at walang katotohanan na nagtakda ng oral argument.

“…it is most respectfully prayed that the Honorable court investigate this troubling claims,”nakasaad sa mosyon ng Taguig.

Ang pahayag ni Binay ay kinontra din ni SC Spokesman Atty Brian Keith Hosaka, aniya, walang oral arguments para sa Taguig-Makati dispute dahil nagkaroon na ng Entry of Judgment sa kaso noong Setyembre 28, 2022 kung saan pinagtibay ng SC ang nauna nitong desisyon noong Disyembre 1, 2021.

Sa ilalim ng court rules, ang kaso na naipasok na sa SC Book of Entries of Judgments ay nangangahulugan na ang kaso ay hindi na maaaring iapela o irebisa.

“Respondent City of Taguig is committed to defending the integrity and honor of the Honorable Court and judicial processes and does not believe in these claims.” ayon sa pa sa mosyon.

Kinastigo din ng Taguig ang paghahain ng ikalawang motion for reconsideration ng Makati para sa kaso, ang ikawalang motion for reconsideration ay hindi pinapayagan sa mga kasong mayroon nang pinal na desisyon.

“Final na ang decision ng Korte Suprema tungkol sa kasong ito at bilang mga responsableng mga opisyal ng aming mga respective local government units, katungkulan na namin na una, payapain ang kalooban ng aming mga kababayan dahil ang desisyon na ito, obviously, ay magdudulot ng maraming katanungan, agam-agam, pangamba lalo na sa mga barangay na dati ay sakop ng Makati,” ani Cayetano.

“Gusto ko po ipahayag bilang mayor ng Taguig na wala sa aming intensiyon na may maantala na serbisyo publiko sa mga barangay na dati ay sakop ng Makati. Ang intensiyon po namin ay agarang pag-aralan na kung paano magsisimula sa transition dahil ultimately, kapakanan ng mga residente ang pinakamahalaga,” dagdag pa ng alkalde.

Iginiit ng alkalde na handa ang lokal na pamahalaan ng Taguig na itake-over ang 10 barangay na dating nasa Makati ngayong taon.

AUTHOR PROFILE