SUV driver na bumundol sa sikyu

SUV driver na bumundol sa sikyu binigyan ng ultimatum ng LTO

June 7, 2022 Jun I. Legaspi 413 views

BINIGYAN hanggang Biyernes, Hunyo 10, 2022 hanggang 1:00 p.m. ang registered owner ng isang SUV (sports utility vehicle) na lumutang na matapos masangkot sa pagbundol at pagsagasa sa isang security traffic enforcer na ikinasugat nito ng malubha, nitong nakaraang araw ng Linggo.

Sa isang interview, sinabi ni Atty. Clarence V. Guinto, director ng Land Transportation Office-Law Enforcement Service (LTO-LES) at concurrent director din ng LTO-National Capital Region-West (NCR-West) na nag-isyu uli sila ng “final notice” sa darating na Biyernes matapos hindi dumating ng hindi pa nakikilalang driver ng SUV sa preliminary hearing Martes ng hapon upang sagutin ang mga bintang laban dito.

Ayon kay Guinto, parte ng “due process” ang inilabas na final notice sa pangalawang pagkakataon upang harapin ng driver ang mga bintang laban dito kaugnay sa nasabing insidente.

Samantala, sa ginawang press conference sa LTO compound, sinabi ng representative ng management na pinapasukan ng biktima, nanatili pa rin sa Intensive Care Unit (ICU) ang biktima dahil sa mga sugat at bugbog na inabot sa katawan nito.

Ayon pa sa representative, may nakitang mga bali sa kanyang ribs ang mga doctors sa kanyang X-ray results at dumadaing daw ang biktima ng hirap sa paghinga.

Nilinaw din ni Dir. Guinto na “administrative concerns” ang mandato ng LTO kaugnay sa isyung ito.

Aalamin din ng ahensiya sa paggulong ng inbestigasyon kung dapat bang suspindihin ng matagal ang lisensiya ng suspect o tuluyan na itong i-revoke dahil ang driver’s license ay ibinibigay bilang “privilege” at puwedeng bawiin ng LTO kung may matibay na batayan.

Nilinaw din ni Guinto na ang criminal concern ay saklaw ng Mandaluyong PNP (Philippine National Police) na siyang mag-iimbestiga at maghahanda ng karampatang kaso sa tsuper ng SUV.

Nauna rito, nag-viral sa social media ang kuha sa dashcam ng isang puting Toyota RAV4 SUV na bumundol at tuluyang nasagasaan ang biktima habang nagmamando ng trapiko sa Mandaluyong City, nitong Linggo.

AUTHOR PROFILE