Default Thumbnail

Suspek sa ambush ng Lanao DS gov, dedo sa shootout

May 4, 2023 Zaida I. Delos Reyes 315 views

PATAY ang pinaghihinalaang “mastermind” umano sa pananambang kay Lanao del Sur Governor Mamintal Adiong Jr. makaraang manlaban sa mga pulis na naghahain ng walong warrant of arrest laban sa kanya nitong Miyerkules sa Lanao del Sur.

Ayon kay Lanao del Sur Police Provincial Director Colonel Robert Daculan, ang nasawing suspek ay lider diumano ng isang private armed group.

Batay sa ulat ng Philippine National Police (PNP), nagtungo ang mga alagad ng batas sa kuta ng suspek sa Barangay Pilimoknan sa Maguing, Lanao del Sur upang ihain ang warrants of arrest laban sa kanya subalit hindi pa man nakakalapit ang mga pulis ay nagpaputok na ang suspek dahilan upang mauwi sa shootout ang operasyon.

Nasugatan din sa ilang minutong palitan ng putok sina Staff Sgt. Michael Angelo Virecio at Barangay Captain Gamon Manonggiring.

Narekober mula sa safe house ng suspek ang mga armas, bala, iligal na droga, at shabu paraphernalia.

Ang suspek at ang grupo nito ang itinuturong ang tumambang sa convoy ng gobernador nitong nakalipas na Pebrero 17 kung saan tatlong police escorts nito ang napatay.

Nasugatan din sa insidente ang gobernador.

Ang suspek din ang sinasabing umambush at pumatay diumano sa limang ahente ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Kapai, Lanao del Sur noong Oktubre 2018.

Sangkot din ang kanyang grupo sa gun-for-hire operations, gunrunning, robbery, at malawakang kalakalan ng iligal na droga sa Lanao del Sur.