Default Thumbnail

Steel man nasampolan ng Bawal Bastos Law

March 31, 2023 Edd Reyes 221 views

SA kulungan ang bagsak ng 37-anyos na obrero nang pasukin at pagsabihan ng malalaswang salita ang pinagti-tripang ginang Huwebes ng gabi sa Malabon City.

Nakahingi kaagad ng tulong sa mga nagrorondang mga tanod ng barangay ang 37-anyos na ginang na may-ari ng isang sari-sari store na dahilan ng pagkakadakip sa suspek na si Leonardo Gabiosa, steel man at residente ng Phase 2, Flovihomes 2, Letre Road, Bgy. Tonsuya.

Lumabas sa pagsisiyasat ni P/SSgt. Mary June Belza ng Malabon Police Women and Children’s Protection Desk (WCPD) na nasa loob na ng kanilang tirahan ang ginang dakong alas-11 ng gabi nang biglang pumasok ng walang pahintulot ang suspek at hinatak ang nagitlang ginang.

Sinabihan umano ng napaka-bulgar at malalaswang pananalita na hindi angkop na marinig ng isang babae, lalo na sa harap ng kaniyang pamilya, ang ginang na labis na nakapagpababa sa kanyang dignidad.

Matapos ang insidente, kaagad humingi ng tulong ang ginang kina Rodolfo Arao at Levy Bernal, kapuwa barangay tanod ng Bgy. Tonsuya, na dahilan upang imbitahan sa barangay hall ang suspek bago dinala sa tanggapan ng WCPD ng Malabon police.

Sinabi ni Belza na inihahanda na nila ang kasong paglabag sa Republic Act 11313 o The Safe Spaces Act, na mas kilala bilang Bawal Bastos Law, laban sa suspek sa Malabon City Prosecutor’s Office.

AUTHOR PROFILE