BBM1

State of nat’l emergency sa Mindanao inalis ni PBBM

July 27, 2023 Zaida I. Delos Reyes 226 views

TINANGGAL na ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang state of national emergency sa Mindanao.

Sa proclamation no. 298 na inilabas ni PBBM at nilagdaan ni Executive Secretary Lucas Bersamin noong July 25, nakasaad na nabawasan na ang kaguluhan sa Mindanao na siyang dahilan upang isailalim ito sa national state of emergency noong 2016.

Sinasabi ni PBBM na dahil sa pagtutok ng militar sa sitwasyon at pagpapairal ng mga batas at programa na nagsusulong ng kapayapaan ay nagtagumpay ang pamahalaan na mapanumbalik ang kapayapaan at kaayusan sa rehiyon.

”Through successful, focused military and law enforcement operations and programs that promote sustainable and inclusive peace, the government has made significant gains in improving and restoring peace and order in the region,” pahayag ni PBBM.

Makakatulong sa pagpapalakas sa ekonomiya at magpapabilis ang pagbangon ng rehiyon ang pag-aalis ng state of national emergency sa Mindanao.

Isinailalim sa national state of emergency ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang rehiyon noong September 2016 dahil sa pagkakaroon ng malawakang kaguluhan na gawa ng iba’t ibang grupo ng masasamang loob.