Poe

State of calamity vs metro traffic wa epek

March 26, 2024 PS Jun M. Sarmiento 67 views

SINABI ni Sen. Grace Poe na hindi solusyon ang deklarasyon ng state of calamity sa Metro Manila sa kabila ng matinding trapik at iginiit na may mga alternatibong pamamaraan para lutasin ang trapik.

Ayon kay Sen. Poe, chairperson ng Senate Committee on Public Services, hindi niya nakikita na ito ang tamang solusyon at depende sa lugar ang gagawin na pamamaraan.

Sinabi niya na kailangan kumuha ng mga eksperto ang gobyerno upang gawin ang tamang pamamaraan at dapat “tailored approach” na tutugma sa partikular na lugar at depende rin sitwasyon ang ilalatag na solusyon.

“Government should listen and employ the help of experts from all sectors,” Paglilinaw ni Poe

Ayon kay Poe, nakakaalarma ang datus na aabot sa P3.5 billion kada araw ang nawawalang kita ng bansa dulot ng kaliwa’t kanan na trapiko sa iba’t-ibang parte ng Metro Manila.

“Adding more roads is not the only solution. Mass transit should be improved and expanded,” ani Poe.

Idinagdag niya rin na irekonsidera umano ng mga kompanya ang work anytime, anywhere approach para makabawas sa trapiko.

Iminungkahi din ni Poe na kung maaaring bigyan pansin ng mga lokal na pamahalaan ang paggamit ng public electric vehicle na ginagawa na rin ng maraming siyudad sa Metro Manila.

Para naman kay Senate Majority Leader Joel Villanueva, ang pagpapatupad ng “work from home” ang isa sa solusyon sa malalang trapik.

Para kay Villanueva, maige na pag usapan ng mga kompanya at mga empleyado ang dapat gawin at ano ang mga posibleng maging kasunduan.

Ayon pa kay Villanueva, sa ilalim ng Republic Act No. 11165 o mas kilala bilang Telecommuting or ‘Work-from-Home Law’ na naipasa noong 17th Congress, makatutulong ang ganitong set up sa mga kompanya at mga empleyado.

Sinabi rin ni Villanueva na dapat maging flexible ang mga kompanya para sa “flexible work arrangement” na hindi kailangan lahat pumasok ng sabay-sabay o kaya naman 4 na araw na pasok lamang sa isang linggo depende sa mapag uusapan.

Ang reaksyon nina Poe at Villanueva ay dahil na rin sa panawagan ng Management Association of the Philippines na humihingi na magdeklara ang kasalukuyang gobyerno ng state of calamity sa Metro Manila dahil umano sa napakalalang trapiko.