Default Thumbnail

Sta Cruz nasa state of calamity

May 21, 2023 Edd Reyes 207 views

ISINAILALIM sa state of calamity ng Sangguniang Panlungsod ang Barangay 310 Zone 31 sa Sta Cruz, Manila matapos naganap na malaking sunog na tumupok sa mga kabahayan sa malaking bahagi ng naturang barangay noong nakaraang linggo.

Ang resolusyon na inakda nina 3rd District Councilors Timothy Oliver “Tol” Zarcal, Atty. Ernesto “Jong” Isip,Jr, Pamela “Fa”Fugoso, Terence Alibarbar, Johanna Nieto Rodriguez at Maile Atienza ay naipasa sa ginanap na tegular na sesyon ng Konseho noong Huwebes na inaprobahan ng mayorya ng mga miyembro nito.

Pinuri naman ni Mayor Honey Lacuna-Pangan ang mga miyembro ng Sangguniang Panlungsod sa pagpapasa ng resolusyon na magbibigay daan upang mapagkalooban ng kakukulang mga tulong ang mga apektadong pamilya at indibiduwal mula sa barangay at sa lokal na pamahalaan.

Nauna ng namahagi ng tig-P10,000 tulong pinansiyal sa 1,201 na mga apektadong pamilya sina Mayor Lacuna-Pangan at Vice Mayor Yul Servo Nieto at tig- P3,000 sa 63 indibiduwal na walang pamilya na kabilang din sa nawalan ng tirahan sa naganap na sunog.

Sinabi ng alkalde na naglaan din ng pondo si 3rd District Congressman Joel Chua upang mapagkalooban ng tig-P5,000 ang bawa’t pamilyang apektado ng sunog sa pamamagitan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Ang naturang sunog na tumupok sa halos 600 kabahayan sa Oriquieta Street malapit sa kanto ng C.M. Recto ay naging sanhi rin ng pagkamatay ng isa-katao at pagkasugat ng aoat na iba pa.

AUTHOR PROFILE