Joey Papa

SINO ANG MANANAGOT?

February 11, 2024 Joey C. Papa 145 views

NAKAKALUNGKOT na naman na pangyayari ang naganap na pagkasawi ng maraming sa Davao Region kung saan ayon sa mga balita ay 17 tao na ang nasawi at mahigit isang daan pa ang nawawala. Ito ay dahil sa pagguho kasabay ng pag-ulan partikular sa Davao Oro.

Nakatutuwang nakalulungkot na balita ang pagkakadiskubre sa isang sanggol o bata mula sa gumuhong mga burol. Nailigtas ang bata, salamat sa Dakilang Lumikha!

Ang malungkot na balita ay may mga kasama pa raw ang bata sa kanilang pamilya ang nawawala pa kasama ang isang bata pa rin na tila isa sa mga kapatid ng sanggol.

Malaki din ang naitulong ng mga rescue dogs sa mga ginawang paghahanap. Hindi talaga maitatatwa na mahusay ang mga aso kapag sinanay sa pagliligtas ng mga tao at iba pang nilikha na may buhay.

Ngunit bakit nangyari ang trahedyang ito?

Isa na namang dagdag sa listahan ng mga trahedya sa ating bayan na kung saan ay maraming nasawing buhay ng ating mga kababayan.

Lagi na lang bang ganito? Lagi na lang ba tayong magbibilang?

Isipin na lang na dalawang bus at isang jeep ayon sa balita ang natabunan ng gumuhong burol o bundok!

Mga empleyado raw ng isang kumpanya ng minahan ang nakasakay sa mga bus.

Ilang araw na ang naganap na pag-ulan, pinapasok pa rin ang mga kawani?

Hindi lang ordinaryong ulan ang naganap kundi malakas na ulan at maraming araw ang itinagal nito.

Sino ang dapat managot sa trahedyang ito?

Sisisihin na naman ba ang Inang Kalikasan?

Sa itsura ng ipinakita sa video ng mga balita, kalbo ang bundok na gumuho.

Walang mga puno!

Marahil ay talagang malambot na ang lupa bago pa man naganap ang matagal na pag-ulan.

Malambot na ang lupa, lalo pang pinalambot ng halos mahigit isang linggong pag-ulan.

Kung marami sanang mga malalaking puno ay may mga ugat na pagkakapitan ang lupa at hindi ito magiging malambot at hindi sasama sa pagdausdos ng tubig-ulan.

Maraming puno, maraming ugat na siyang magiging masel ng lupa.

Magsisilbing patigas ng lupa ang mga ugat ng puno.

Ngunit kalbo na nga ang bundok.

At kung kinukuha pa ang mga bato at mineral sa mga bundok, lalong lalambot ang lupa.

Wala nang pagkakapitan ang lupa.

Kahit ang mga puno ay maglalaho na kapag ginambala ang yaman ng kabundukan.

Sino ngayon ang mananagot?

Mga tikbalang ba o kapre?

Kung isinisisi na naman ng ilang awtoridad sa pag-ulan ang nangyaring trahedya, hindi naman mawawala ang pag-ulan sa Pilipinas dahil biktima tayo ng global warming at climate change.

Laging may tag-ulan sa Pilipinas.

Ang dami nga lang ulan ngayon dahil sa epekto ng climate change ay nag-iba na.

Kung dati’y isang balde lang ang ibinubuhos na ulan noon, dahil sa climate change na, isang drum na ang ibinubuhos na ulan mula sa kalawakan.

Ngayong mga araw na ito ay dapat pa sanang umiiral ang hanging Amihan o malamig na panahon ngunit ilang araw na nating nararamdaman ang alinsangan at init ng araw.

Pabago-bago na talaga ang klima.

Magkakaroon na umano ng bagyo sa Cagayan at iba pang lugar sa mga darating na araw.

Hindi pa mandin tayo opisyal na pumapasok sa panahon ng tag-araw!

Kaya sa palagay ko ay ayusin na ng mga lokal na pamahalaan at mga kinauukulang ahensya ng gobyerno ang mga paghahanda para sa lumalalang krisis ng Inang Kalikasan.

Yung mga gawaing nakasisira sa ating kapaligiran, kabuhayan at Inang Kalikasan sa kabuuan ay dapar nang itigil sa palagay ko.

Ang dami nang buhay ang kinitil ng pagpapabaya at pagtetengang kawali ng iilan.

Maraming mga gawaing- produksyon para sa kabuhayan ang napinsala at patuloy na napipinsala.

Kawawa ang mga sanggol at bata na nasasawi dahil sa kawalang malasakit at kasakiman ng iilan lamang.

Hindi tayo dapat maging bansa ng trahedya.

AUTHOR PROFILE