Dizon

‘Shabu con balisong’ nasabat sa Oplan Galugad sa Paco

November 30, 2022 Jonjon Reyes 266 views

ARESTADO ang isang 41-anyos na lalaki at miyembro diumano ng “Sputnik Gang” matapos makitaan ng pakete ng shabu at balisong habang nagsasagawa ng “Oplan Galugad” ang mga operatiba ng District Special Operation Unit (DSOU) ng Manila Police District (MPD), Miyerkules ng madaling araw sa Pedro Gil Street sa Paco, Maynila.

Ayon kay MPD Director Police Brigadier General Andre P. Dizon nahulihan ng tatlong plastic sachets ng shabu at kontrabandong patalim ang suspek na laborer, residente ng Barangay 817 Zone 88 sa Paco.

Sa ulat ni P/Maj. Rommel Reyes Purisima, hepe ng DSOU, sa gitna ng “Oplan Galugad” sa mga lugar sa Paco pasado alas 4:00 ng madaling araw, nang mamataan ang suspek sa isang madilim na bahagi ng eskinita, malapit sa kanyang bahay na may kahina-hinalang kilos.

Agad namang umaksyon si PSMS Alfredo Fabian lll at nang kapkapan ay narekober ang shabu at patalim sa suspek.

Bukod sa kasong paglabag sa Batas Pambansa Bilang 6 (illegal possesion of bladed weapon) ay kakaharapin din nito ang Republic Act 9165 (possession of dangerous drugs).

Pinuri naman ni Dizon ang mga kagawad ng DSOU sa patuloy na “Simultaneous Anti-Criminality Law Enforcement Operation” (SACLEO) sa Lungsod ng Maynila at sa 24/7 na operasyon kontra kriminalidad at sa program ani National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief Jonnel Estomo na “Seen, Appreciated and Felt by the people through Extraordinary actions” (SAFE).

AUTHOR PROFILE