Default Thumbnail

Dalaga ‘sinalo’ ang taga na para sa ina

November 30, 2022 Edd Reyes 222 views

IBINALING ng 47-anyos na ginang ang kanyang galit sa anak na babae ng kanyang nakaaway na umawat lamang sa kanilang mainitang pagtatalo Martes ng hapon sa Navotas City.

Malalim na sugat sa kamay ang tinamo ni Tricia Mae Lim, 22 makaraang tagain umano ng jungle bolo ng suspek na si Ruby Acuna, residente ng 1304 M, Naval St., Brgy. San Roque na kaagad ding sumuko sa mga nagrespondeng tauhan ng San Roque Police Sub-Station 2.

Sa imbestigasyon ni P/SSgt. Reysie Peñaranda, ng Navotas police homicide section, dakong alas-5:45 p.m., nang magkaroon ng mainitang pagtatalo ang suspek at ina ng biktima sa kahabaan ng Angeles Daungan 4, Brgy. San Roque sa hindi pa nabatid na dahilan.

Sa gitna ng kanilang pagtatalo, umuwi ng bahay si Acuna, at nang bumalik ay armado na ng 22-pulgadang jungle bolo kaya’t dito na pumagitna ang biktima upang umawat sa pangambang mataga ang kanyang ina.

Sa halip na paawat, ibinaling ng suspek ang galit sa dalaga at inundayan ng taga na masuwerteng nasangga ng kanang kamay ng biktima.

Kaagad namang isinugod sa Tondo Medical Center ang dalaga subalit dahil sa lalim ng taga sa kanang kamay, kinailangan niyang ilipat sa Philippine Orthopedic Center upang doon lapatan ng lunas.

Nakatakda namang iprisinta sa piskalya ng Navotas ang ginang na suspek para sa pagsasampa ng kaukulang kaso.

AUTHOR PROFILE