Default Thumbnail

‘Senator Eleazar’ sa 2022

November 9, 2021 Paul M. Gutierrez 299 views

PaulNGAYONG linggo, malalaman na natin kung “sino” ang bagong ‘Chief PNP’ dahil sa pormal na pagreretiro sa serbisyo ni Gen. Guillermo Tolentino Eleazar sa Sabado, Nobyembre 13.

Sa nabasa nating pahayag ng ating kaibigan na si DILG Secretary Ed Año, nagsumite na siya ng “5 names” kay Pang. Rody na pagpipilian ng Pangulo bilang kapalit ni “Gen. Guillor.”

Translation, kasamang Val Leonardo at Jun Mestica? Eh, bagaman marami ang nanghihinayang—at umaasa– hindi na pala mabibigyan ng ‘extension’ si Gen. Guillor, hayzt!

Kung ano naman ang bagong “hamon” na haharapin ni Gen. Eleazar, sapantaha ng karamihan, ano pa ba kundi ang pagsabak bilang kandidatong senador sa halalan sa susunod na taon.

Kung sa bagay nga, napakataas ng respeto ng publiko kay Gen. Eleazar at sadyang napakapopular dahil na rin sa kanyang ipinakitang kahusayan, propesyunalismo at katapatan sa kanyang sinumpaang serbisyo.

At kung inaakala ni Mayor Kois na may “monopolyo” siya sa titulong ‘Bilis Aksyon,’ eh, teka muna, kasamang Bambi Purisima, dahil “mas mabilis” umaksyon itong si Gen. Guillor, hehehe!

Aber, hindi na tayo ang magdedetalye dito, sapat na ang papuri sa kanya ng ating mga kababayan na mabilis na natulugan ni Gen. Guillor; isama pa ang panghihinagpis ng mga korap, tulisan at mga kurimaw sa serbisyo na mabilis na tinanggal at pinarusahan ni Gen. Eleazar dahil sa paglabag nila sa regulasyon at panuntunan ng PNP, hindi ba, mga kabayan?

Sa mga naging pag-uusap naman namin ni Gen. Eleazar, abah, “dedma” siya kapag tinatanong natin kung totoo ba ang “tsismis” na tatakbo siyang senador?

Ayon pa nga sa mga impormasyon na nakakalap natin, kasama sa senatorial lineup nina Sen. Ping Lacson at SP Tito Sotto si Gen. Eleazar na papasok dahil sa proseso ng ‘substitution.’

Bagaman kasama tayo sa dismayado sa kasalukuyang sistema ng candidate substitution—mistula kasing “nabababoy” ang ating eleksyon, eh, sa kabilang dako, “nakabuti” ito sa isang kandidato na katulad ni Gen. Eleazar na sadyang “kuwalipikado” at may “K” na mahalal sa Senado.

Hmm. Ano ang pinakamalaking ‘indicator’ na tatakbo sa Senado sa tiket ni Sen. Ping at SP Sotto si Gen. Eleazar?

Buweno, sa panayam ni kasamang Senate reporter, Lydia Bueno kay SP Sotto noong Nobyembre 6, “nadulas” si SP Sotto nang sabihin niya na hindi pa niya makumpirma ang pagpasok sa kanilang tiket ng isa pang kilalang kandidato dahil “sa November 13 pa siya magreretiro,” ganern?

Eh, sino ba lang sa mga kilalang personalidad ang magreretiro sa Nobyembre 13 bukod kay Gen. Eleazar, aber?

Translation? Sen. Guillermo Eleazar sa Senado, sa 2022, yeheyy!

AUTHOR PROFILE