Sec. Erwin Tulfo sinigurong matatanggap ang ayuda
GALIT si Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. sa iligal na pagpasok sa bansa ng mga produktong agrikultura na nagpapahirap sa mga mangingisda at magsasaka.
Bilang dating gobernador ng Ilocos Norte, alam ng Pangulo ang kalagayan ng mga magsasaka at mangingisda kung bagsak ang presyo ng mga ani nila dahil sa ismagling.
Magugutom ang mga nagtatrabaho sa bukid kung hindi sila tutulungan ng gobyerno para matigil ang “agricultural smuggling” sa ating bansa.
Kaya nga all-out ngayon ang Bureau of Customs (BOC), kasama ang iba pang government agencies, sa paghabol sa mga nagpaparating ng kontrabandong agricultural products.
Noon lang Agosto 16 ay nakasakote ang mga otoridad, sa pangunguna ng mga taga-Manila Interntional Container Port (MICP), ng puslit na “fresh carrots” sa Manila North Harbor Port.
Galing sa China ang “fresh carrots” na idineklarang mga tsokolate, ayon kay lawyer Jesus Balmores, ang officer-in-charge (OIC) ng Manila North Harbor Port.
Ang shipment ay isasailalim sa seizure and disposal proceedings dahil sa paglabag sa Customs Modernization and Tariff Act at Republic Act 10845 o Anti-Agricultural Smuggling Act of 2016.
Ayon naman kay District Collector Romeo Allan Rosales, lalo nilang paiigtingin ang kampanya laban sa mga nagpaparating sa bansa ng mga puslit na produktong agrikultura.
Ayon pa kay Rosales, sisikapin din nila na pagbutihin pa ang mga border protection programs.
Kasama ng BOC-MICP, sa pamamagitan ng Sub-port of North harbor, sa pagsakote sa “fresh carrots” ay ang Bureau of Plant Industry at Department of Trade and Industry.
Isang “cargo ship”ang naka-hold ngayon sa Port of Subic sa Zambales dahil sa hinalang naglalaman ito ng mga puslit na asukal.
Ang pag-detain sa nasabing barko ay kasunod ng sunod-sunod na pagsalakay ng mga otoridad, sa pangunguna ng mga taga-Bureau of Customs, sa ilang bodega sa bansa.
Ang mga sinalakay na warehouse ay pinaghihinalaang naglalaman ng mga puslit at “hoarded sugar.”
Umaksyon kaagad si Pangulong Marcos nang makarating sa kanyang kaalaman ang kakulangan umano ng asukal sa lokal na merkado.
At dahil dito ay bigla-biglang sumipa ang presyo ng asukal sa bansa kaya napilitan din ang mga kompanyang gumagamit ng asukal na itaas ang presyo ng kanilang mga produkto.
Ang “cargo ship” na naka-hold ngayon sa Port of Subic – M/V Bangpakaew – ay pinaniniwalaang naglalaman ng 140,000 bags o 7,000 metric tons ng asukal.
Ang asukal ay classified na “Reserved Sugar Bottlers’ Grade,” ayon sa Sugar Regularity Administration o SRA.
Nagpadala na ng mga ahente ang Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS) sa Port of Subic para mag-imbestiga sa nasabing kaso.
Nangako naman ang mga opisyal ng Port of Subic na lalo nilang paiigtingin ang kampanya laban sa ismagling.
Matatandaan na isa sa “marching orders” ni Pangulong Marcos kay Customs Commissioner Yogi Filemon Ruiz ay ang paglaban sa agricultural smuggling.
Hindi talaga maiiwasan ang pagkakagulo ng taumbayan kung ang pag-uusapan ay ang pagbibigay ng ayuda mula sa gobyerno.
Nagkagulo ang mga tao noong nakaraang Sabado sa punong-tanggapan ng DSWD sa Lunsod ng Quezon.
Libu-libong mga estudyante at mga magulang ang pumila upang makakuha ng cash assistance na laan para sa mahihirap na estudyante.
Nakita na naman natin ang kawalang disiplina ng iba nating kababayan.
May mga sumampa pa sa bakod ng ahensiya para lamang mauna.
Ang masakit, si Secretary Erwin Tulfo pa ang humingi ng paumanhin dahil sa kaguluhan at kawalang displina ng iba.
Sa isang banda, siniguro naman ni Sec. Tulfo na makatatanggap lahat ang mga deserving at kuwalipikadong estudyante ng cash assistance hanggang Setyembre 24.
Naniniwala tayo na makakahanap din ng solusyon ang DSWD para maging maayos ang pagbibigay ng ayuda sa mga mamamayan.
Ang mahalaga ay makarating sa lahat ng beneficiaries ang tulong ng gobyerno at hindi sa mga malalalim na bulsa ng mga tiwaling local government official.
Sir Erwin, huwag pabayaang magamit sa pamumulitika ang ayudang nanggagaling sa tanggapan niyo.
Marami kasing ma-epal na lingkod-bayan na naghahanda na naman para sa darating na local election sa 2025.
Sinasamantala nila ang kahirapan para linlangin ang taumbayan, lalo na ang mga botante, at nagkukunwaring may malasakit sa kapwa gayong mga buwaya naman sila.
(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #”916-8624484/email: [email protected]. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)