Pagdami ng air travelers inaasahan
INAASAHAN ang pagbaba ng airfare sa unang buwan ng ‘Ber Months’ matapos na ring ipag-utos ng Civil Aeronautics Board (CAB) sa mga airline companies na ibaba ang fuel surcharge dahil sa epekto ng pagbaba ng presyo ng jet fuel.
Magandang balita dito ang pakikipagtulungan ng mga airline companies sa CAB upang gawing mas abot kaya ang paglipad ng mga turista at iba pang biyahero.
Sinabi ni Philippine Airlines spokesperson Cielo Villaluna na agad nilang tutugunan ang pagbabago sa kanilang fuel surcharge epektibo sa papasok na buwan ng Setyembre.
Maging si , Carmina Reyes, tagapagsalita ng Cebu Pacific ay nangako ng positibong aksyon at inaasahan nila ang pagtaas ng bookings dahil na rin sa pagbaba ng presyo ng ticket sa eroplano.
Ayon pa kay Reyes mga P200 per flight ang matipid sa domestic routes, mga P1,160 naman per way sa biyahe Dubai at Sydney Australia ang matipid.
Sabi ni AirAsia Philippines spokesman Steve Dailisan na napapanahon ang pagbaba nila ng ticket price sa pagsisimula rin ng holiday season na inaasahang marami ang magta-travel.
Sa inilabas na kautusan ng CAB, ibinababa sa Level 9 ang fuel surcharge para sa Setyembre mula sa Level 12 noong Agosto.
Nangangahulugan ito na maaaring maibaba ng airline firms ang fuel surcharge sa P287 hanggang P839 para sa domestic flights na dating nasa P389 hanggang P1,137.
Habang maibababa ang fuel surcharge sa international flights sa P947.39 hanggang P7,044.27 mula sa dating P1,284 hanggang P9,550.13.
Ang fuel surcharge ay ang optional fee na sinisingil ng airline firms para sa kanilang fuel expenses at financial losses dahil sa biglaang pagatas ng jet fuel prices.
Tiyak na marami sa ating mga kababayan ang matutuwa sa balitang ito at inaasahan ang pagtaas ng bookings. Subalit paalala lamang natin sa lahat na nananatili sa paligid ang COVID-19 virus kaya’t baunin sa ating biyahe ang dobleng pag-iingat at palagiang pagsunod sa health protocols.
MABUHAY ANG CAB!